7.2% implasyon, maglulubog sa dagdag na 2 milyong Pilipino sa kahirapan
Nagbabadyang lalong bumagsak ang katayuan sa buhay ng halos 2 milyong Pilipino bunga ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin matapos pumalo ang inflation rate sa bansa sa 7.2% noong Abril. Ang matarik na pagsirit na ito mula sa 2.4% noong Pebrero ay naglagay sa Pilipinas bilang ikalawa sa may pinakamataas na implasyon sa Asia, kasunod lamang ng Laos.
Pangunahing dahilan ng pagbilis ng implasyon ang pagmahal ng pagkain, transportasyon at yutilidad. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang presyo ng bigas nang 13.7% habang ang gastos sa transportasyon ay tumaas nang 21.4% sa loob lamang ng isang buwan. Dahil dito, higit sa doble ang ibinilis ng pagtaas ng presyo ng pagkain, mula 2.7% noong Marso tungong 6.1% sa Abril. Bumilis rin ang pagtaas ng singil sa pabahay at mga yutilidad (kuryente, tubig at iba pa) nang 8.2% .
Pinakaapektado sa pagtaas ng mga presyo ang pinakamahirap na 30% ng populasyon, kung saan ang inflation rate ay umabot sa 8.5%.
Sa taya ng IBON Foundation, nasa 1.7 milyon hanggang 2 milyong Pilipino na nasa “borderline” o lower middle class ang nanganganib na malubog sa kahirapan dahil sa kakulangan ng sapat na tugon mula sa gubyerno. Anito, nasa alanganin ngayon ang naturang saray ng lipunan dahil wala silang natatanggap na anumang tulong mula sa estado.
Ayon sa grupo, limitado at pakitang-tao ang kasalukuyang mga hakbang ng rehimeng Marcos. Bagaman mayroong 14 milyong pamilyang itinuturing ang sarili na mahirap, 1.5 milyon lamang na kabahayan ang nabibigyan nito ng limitadong ayuda. Nasa 21 milyong mahihirap at bulnerableng pamilya ang napipilitang dumiskarte para itawid ang kanilang mga sarili.
Walang hakbang para ibaba ang mga presyo ng pagkain at mga bilihin, ayon sa Ibon. Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), tumaas nang P5 hanggang P80 kada kilo ang presyo ng bigas, gulay, at isda, habang ang manok at baboy ay nananatiling mahal sa presyong mahigit Php190 at Php355.
Tumaas din ang singil sa mga utilidad sa harap ng deregulasyon at kontrol ng burges-kumprador sa mga korporasyon nagbebenta ng batayang serbisyo. Tumaas ng abereyds na Php2 kada cubic meter ang singil sa tubig sa Metro Manila simula noong nakaraang taon. Tumaas rin ang singil sa kuryente sa Meralco ng humigit-kumulang Php270 para sa mga pamilyang kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours (kWh) kada buwan.
Upang magbigay ng mabilis na ginhawa, nananawagan ang IBON para sa pagtanggal ng excise tax at VAT sa mga produktong petrolyo. Tinataya ng grupo na ang pinakamahirap na kalahati ng mga pamilyang Pilipino ay maaaring makatipid ng Php450 hanggang Php550 kada buwan kung tatanggalin ang excise tax sa langis. Binigyang-diin ng Ibon na ito ang pinakamabilis na paraan upang matulungan ang nakararami.