Balita

7 berdugong sundalo ng 8th IB, napatay sa engkwentro sa BHB-Bukidnon

Matagumpay na nakipaglaban ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bukidnon sa mga tropa ng 8th IB sa naganap na engkwentro noong Hulyo 1, alas-7:20 ng umaga, sa Sityo Tubigon, Barangay Busdi, Malaybalay City, Bukidnon. Hindi bababa sa pitong berdugong sundalo ng 8th IB ang nakumpirmang napatay sa labanan.

Sa ulat ng hukbong bayan, naglalakad ang mandirigma nito nang makasagupa ang 8th IB. Tumagal nang 15 minuto ang labanan kung saan nakapagpaputok ang BHB-Bukidnon at ligtas na nakapagmaniobra paatras.

“Binabati ng Partido ang BHB-Bukidnon sa mahusay na pagkuha sa inisyatiba sa naganap na engkwentro para maipagtanggol ang sarili at pinsalain ang mga pasistang sundalo,” ayon kay Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Dagdag ni Valbuena, dapat higit na paunlarin ng hukbong bayan ang pakikidgmang gerilya para patuloy na labanan ang pasistang pananalakay at kampanyang panunupil ng mga armadong pwersa ng rehimeng US-Marcos na nagsisilbi sa mga dayuhang kumpanyang mandarambong at mangangamkam ng lupa ng masang magsasaka at katutubo.

Dahil sa pinsala dinanas ng 8th IB, nagpaputok ng kanyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Hulyo 1 at Hulyo 2 bilang ganti sa masang sumusuporta sa hukbo. Walang yunit ng BHB-Bukidnon ang natamaan ngunit nagdulot ito ng takot sa mga komunidad ng mga magsasaka at Lumad sa lugar.

Apat na bala ng kanyon ang unang pinaputok noong alas-12:30 ng hapon ng Hulyo 1. Dalawang Black Hawk helikopter ang dumating para kunin ang bangkay ng namatay na mga sundalo. Sinundan ito ng pagpapaputok ng dalawang kanyon noong alas-3 ng hapon.

Kinabukasan, muling nagpasabog ng apat na bala ng kanyon ang AFP nang alas-3 ng madaling araw. Nasa kalagitnaan ng pagpapahinga ang mga sibilyang populasyon nang nagpasabog ng kanyon ang mga berdugo.

Binatikos ni Valbuena ang walang patumanggang panganganyon ng AFP na nagdudulot ng troma sa mga sibilyang komunidad. “Malinaw na ang layunin ng panganganyon ng AFP ay maghasik ng takot at sindakin ang mga magsasaka at Lumad para basagin ang kanilang mapanlabang diwa,” ayon kay Valbuena.

Dagdag niya, dapat tuluy-tuloy na ilantad ng mamamayang Pilipno ang ganitong mga krimen at paglabag sa internasyunal na makataong batas ng AFP sa kanayunan.

AB: 7 berdugong sundalo ng 8th IB, napatay sa engkwentro sa BHB-Bukidnon