Balita

Aerial strafing at pambobomba ng 76th IB sa Oriental Mindoro, perwisyo sa mamamayan

Lumikas ang mga residente ng Barangay Tagumpay, Pola, Oriental Mindoro matapos ang serye ng aerial strafing o pagpapaulan ng bala mula sa ere, pambobomba at militarisasyon ng 76th IB at 203rd IBde sa kanilang barangay simula Pebrero 19. Isinagawa ng militar ang malupit na atake sa mga sibilyan kasunod ng isang engkwentro nito sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) sa araw na iyon.

Ayon sa nakalap na ulat ng Karapatan-Southern Tagalog mula sa mga residente, dalawang beses nagpalipad at nag-istraping ang mga helikopter ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bandang 11:45 ng umaga sa barangay. Walang patumangga nilang pinaputukan mula sa ere ang mga taniman, bukid, at malapit sa kabahayan nang hindi iniisip na maaring may madamay na mga sibilyan at kanilang ari-arian.

Nakunan din ng mga residente ng bidyo ang sapilitang pagpapalikas ng mga sundalo sa mga nakatira sa pamayanan kasunod ng pagbahay-bahay ng mga militar. Ayon pa sa grupo, lubhang naapektuhan ng mga operasyong kombat ang kabuhayan ng mga mamamayan sa lugar.

Sa sumunod na mga araw, walang batayang idinawit ng mga sundalo ang katabing Barangay Misong sa mga operasyon nito. Sapilitan ding pinalikas ang mga residente ng barangay na nagdiskaril sa kanilang kabuhayan.

Noong 2023, ang bayan ng Pola sa Oriental Mindoro ay isa sa matinding naapektuhan ng oil spill o pagtagas ng langis matapos lumubog ang barkong MT Princess Empress ng San Miguel Corporation, na pinahintulutang maglayag ng Philippine Coast Guard kahit pa mahinang klase ang barko.

“Mahigpit ang panawagan ng Karapatan-ST sa lokal na pamahalaan ng Pola na ipanguna ang kaligtasan ng mamamayan at siguruhin ang kapakanan at karapatan ng bawat indibiwal sa komunidad,” pahayag ng grupo. Nanawagan din ito sa mga ahensya ng gubyerno na magsagawa ng independyenteng imbestigasyon at pagsisiyasat sa mga posibleng paglabag sa karapatang-tao sa lugar.

AB: Aerial strafing at pambobomba ng 76th IB sa Oriental Mindoro, perwisyo sa mamamayan