Balita

Kabuhayan ng mga Mangyan at magsasaka, apektado ng panganganyon at istraping ng 203rd IBde

Muli na namang naghasik ng terorismo sa mga komunidad sa Oriental Mindoro ang mga sundalo ng 203rd IBde sa inilunsad nitong panganganyon at istraping. Dis-oras ng gabi noong Setyembre 9 hanggang umaga ng Setyembre 10 ay nagpakawala ito ng mga bala at nanganyon na nagdulot ng takot at troma sa mga Mangyan at magsasaka.

Isinagawa ng militar ang mga operasyong ito sa Sityo Tugas, Barangay San Vicente, Roxas at katabing mga komundidad. Ginamit na dahilan ng militar para sa malupit na operasyon ang naganap na labanan sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) at 1st IB sa Sityo Tugas noong umaga ng Setyembre 9.

Gayunman, iginiit ng National Democratic Front (NDF)-Mindoro na seryosong paglabag sa internasyunal na makataong batas (IHL) ang malalakas na pagsabog at istraping dahil isinapanganib nito ang sibilyang populasyon.

Sa nakalap na ulat ng NDF-Mindoro, tinarget ng pang-iistraping at panganganyon hindi lamang ang kagubatan kundi ang mga taniman, komunidad ng mga katutubong Mangyan, at mga lugar na pinaghihinalaan nilang inatrasan ng napalabang yunit ng BHB-Mindoro. “Walang kunsiderasyon sa epekto sa mga sibilyan at maaring tamaan ng kanilang pamumutok mula sa ere,” ayon kay Ka Maria Patricia Andal, tagapagsalita ng NDF-Mindoro.

Bunga nito, napilitang lumikas ang daan-daang mga katutubong Mangyan kabilang ang mga bata, kababaihan, at mga matatanda na taga-Sityo Tugas at Sityo Swerte ng Barangay San Vicente at mga kalapit pang kabahayan. “Walang ibang layunin ang paghahasik ng teror ng 203rd Bde kundi takutin ang mamamayan laluna ang mga magsasaka at katutubong Mangyan upang huminto sa paglaban,” pahayag ni Ka Maria.

Sa nakaraang mga kaso ng pambobomba at panganganyon ng militar sa Mindoro, nagdulot ito ng pangmatagalang epekto sa sikolohikal na kalagayan ng mga sibilyan, laluna sa mga bata. “Grabeng takot ang hatid nito sa buong mga pamayanan na may katugong epekto sa kabuhayan ng masa. Sa labis na takot, ekta ektaryang kaingin at mga taniman ang hindi na naman mabubungkal o kahit mabisita man lamang dahil sa takot sa presensya ng mga militar,” ayon kay Ka Maria.

Ayon pa sa tagapagsalita, muli na namang pinatunayan ng 203rd IBde ang pagiging sagad-saring terorista sa ginawang pang-iistraping, panganganyon, at pagdagsa ng militar laluna sa mga pamayanan sa hangganan ng Roxas-Mansalay-Bongabong. Aniya, habang matinding naghihirap ang mamamayang Mindoreño sa tindi ng krisis ay nagwawaldas ng pondo ang gubyerno sa pasistang atake sa mamamayan.

Nanawagan ang NDF-Mindoro sa mga residente ng mga apektadong barangay na magbuklod at kumilos para palayasin ang militar sa kanayunan laluna ang mga nakakakampo sa mga sentrong pamayanan. “Magkaisa upang patigilin ang mga pambobomba, panganganyon, at pang-iistraping,” aniya.

Hinimok rin niya ang mga upisyal ng baranga at bayan na tumindig kasama ang inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan ng Mindoro. Nanawagan rin siya sa mga demokratikong sektor laluna sa mga guro, kabataan, estudyante, taong-simbahan at iba pa na tulungan ang mga apektadong mamamayan sa anumang kakayaning paraan.

AB: Kabuhayan ng mga Mangyan at magsasaka, apektado ng panganganyon at istraping ng 203rd IBde