Balita

7 bilanggong pulitikal sa Negros, ipinawalang-sala ng korte

,

Matapos ang higit limang taon na pagkakakulong, ipinawalang-sala ng korte sa Kabankalan City, Negros Occidental ang isang pastor at anim na aktibista sa dalawang kaso ng pagpatay at pitong kaso ng bigong pagpatay. Inilabas ng korte ang desisyon nito noong Nobyembre 18.

Ipinawalang-sala sa naturang mga kaso sina Pastor Jimie Teves, Jodito Montesino, Jaypee Romano, Jasper Aguyong, Rogen Sabanal, Eliseo Andres, at Rodrigo Medez (binansagang Himamaylan 7) dahil sa kakulangan ng ebidensya. Ang pito ay inaresto sa Himamaylan City noong Hunyo 2019. Idinawit sila sa isang armadong engkwentro ng BHB at sundalo ng AFP sa Kabankalan City noong Mayo 2018.

Labis ang tuwa ng kanilang mga kaanak, at kasamahan ni Pastor Teves sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP) sa pagkaka-abswelto ng mga biktima. Nasa korte sila noon para sumuporta sa Himamaylan 7 at salubungin ang desisyon ng korte.

Tagumpay man para sa kanila ang paglaya ng mga kaanak, hindi maalis sa kanila ang pait ng pagkawalay sa pamilya sa nagdaang halos anim na taon. “Maraming panahon ang nawala sa amin kasama ang aming mga mahal sa buhay–mga pagkakataong hindi na namin maibabalik,” ayon kay Jelyn Teves, anak ni Pastor Teves. Dagdag pa niya, walang sinuman ang dapat pang makaranas ng ganoong pighati.

Ang kaso ng Himamaylan 7 ay umani ng malawak na atensyon at suporta mula sa iba’t ibang mga grupo sa karapatang-tao. “Naging maingay ang UCCP sa kasagsagan ng paglilitis, at sumuporta sa Himamaylan 7, at binatikos ang tinawag nitong [inhustisya sa mga biktima],” pahayag ng UCCP.

Naniniwala ang simbahan na isa itong tagumpay para sa katotohanan at hustisya at labis umano ang ginhawa na kanilang nadama sa desisyon. “Ang pagwawalang-sala kay Pastor Teves at kanyang mga kasama ay tugon sa panalangin ng buong simbahan. Nagsisilbi rin itong patunay sa kapangyarihan ng suporta ng komunidad,” ayon pa sa UCCP.

Ayon kay Atty. Rey Gorgonio, abugado ng mga biktima, dapat matigil na ang paggamit ng estado sa sistema ng hustisya sa bansa para supilin ang inosenteng mga sibilyan. Sa harap nito, nanawagan ng pananagutan at makabuluhang reporma sa sistema ng hustisya ang mga kaanak ng biktima para hindi na maulit ang ganoong sitwasyon.

AB: 7 bilanggong pulitikal sa Negros, ipinawalang-sala ng korte