7 namartir na Pulang mandirgima ng BHB, pinagpugayan ng FFPS
Pinarangalan at pinagpugayan ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) ang pitong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island na namartir sa overkill na operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Abril 27 ng umaga sa Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental.
Ang pito na binansagang Kabankalan 7 ay namartir habang gumagampan sa ginintuang tungkulin ng patuloy na pagsusulong sa armadong pakikibaka, pagpapalawak sa baseng masa at agraryong rebolusyon sa isla.
Kinilala ang mga martir bilang sina Reniel Locsin Cellon (Ka Randy), Mary Jane Magquilat (Ka Shonie), Charity Amacan (Ka Mayang), Johnrey Mejares (Ka Jai), Glenda Tinio Mejares (Ka Glendyl), Ka Pitong, at Dee Supelanas (Ka Dahlia). Si Supelanas ay dating lider estudyante ng UP-Cebu. Tatlo sa kanila ay mga senior citizen at mayroong kundisyong medikal na dahilan ng kanilang kahirapan na makakilos ngunit patuloy na naglingkod sa hukbong bayan.
Ayon kay Robert Reid, tagapangulo ng FFPS, ang katapangan at walang pag-iimbot na sakripisyo ng Kabankalan 7 para sa paglaya ng sambayanang Pilipino ay patunay ng kanilang kabayanihan. “[Nagsisilbi silang inspirasyon] sa mamamayang Pilipino para ibayong palakasin ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka at sa atin na mga anti-imperyalista sa buong mundo para palalimin ang ating pakikiisa sa pakikibaka ng masang Pilipino,” aniya.
Binatikos ni Reid ang pagmamayabang ng rehimeng Marcos at ng AFP sa pagpaslang sa Kabankalan 7. “Ang tagumpay na ito para sa naghaharing uri ay magiging panandalian lamang, dahil ang buhay ng sakripisyo para sa bayan ng Kabankalan 7 ay higit na mas mabigat,” ayon kay Reid.
Aniya, ang pagkamartir ng Kabankalan 7 ay higit pang magtutulak sa mas maraming kasama, kaibigan at karaniwang mamamayan na tumangan ng armas at sumali sa BHB. “Ang kanilang pagluluksa at galit ay maghuhugis bilang rebolusyonaryong determinasyon,” dagdag niya.
Ang FFPS ay isang pandaigdigang organisasyong sumusuporta sa NDFP, na kinikilala ng grupo bilang tunay na kinatawan ng mamamayang Pilipino. Suportado rin ng grupo ang 12-puntong programa ng NDFP para sa isang progresibo at maunlad na Pilipinas. Mayroon itong mga kasaping organisasyon mula sa North America, Europe, Asia at Oceania.