Balita

7 sundalo ng AFP, napaslang sa mga kontra-reyd ng BHB-Masbate

Magiting na nakapagtanggol ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) laban sa tangkang reyd ng 2nd IB at 96th IB sa kanilang kampuhan sa bayan ng Uson at Baleno noong nakaraang linggo. Pitong sundalo ang naiulat na napaslang sa aktibong mga depensa ng hukbong bayan habang pitong iba pa ang nasugatan.

Noong Nobyembre 22, nakapaghanda at nakapagtanggol ang BHB-Masbate sa paparating na tropa ng 2nd IB sa pansamantalang pwesto nito sa Sityo Pile, Barangay San Jose, Uson. Taliwas sa ipinakalat ng militar na umabot ng 20 minuto ang labanan, limang minuto lamang ang itinagal ng putukan dahil nagsipagtakbuhan sa takot ang mga sundalo matapos paputukan ng mga Pulang mandirigma.

Nasaksihan mismo ng mga residente ang pagkarga sa kalabaw sa ilang mga bangkay ng mga sundalong napaslang. Pilit itinago ng 2nd IB ang kaswalti nito mula sa mata ng publiko tulad ng karaniwan nitong ginagawa.

“Sa halip na bigyang parangal, itinatago ng militar ang kanilang mga kaswalti dahil sa kahihiyan. Tanda ito nang kawalang respeto ng AFP sa buhay ng kanilang mga kawal at kanilang mga pamilya,” pahayag ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate.

Noong Nobyembre 20, nakapagtanggol rin ang isang yunit ng BHB-Masbate sa pag-atake ng 96th IB sa kanilang poste sa Barangay Cancahorao, Baleno. Nadakip pagkatapos ng labanan ang isang Pulang mandirigma. Nanawagan si Ka Luz na igalang ang karapatan ng nadakip bilang hors de combat o wala sa katayuang lumaban.

“(N))angangamba kami para sa buhay ni Ka Leon. Ang pakitang-taong pagligtas sa buhay ni Ka Leon ay para lamang palabasing makatao ang mga militar. Lalong nanganganib ang buhay ni Ka Leon sa kamay ng mga militar,” pahayag ng tagapagsalita.

Sa harap ng aktibong depensa ng mga yunit ng BHB-Masbate, nagpahayag si Ka Luz na dapat samantalahin ng mga yunit ng hukbong bayan sa prubinsya ang inisyatibang nakakamit sa mga kontra-kubkob sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang higit pang paduguin ang militar at masamsam ang kanilang armas.

Kasabay nito, nanawagan siya sa mga yunit ng BHB sa prubinsya na panatilihin ang mataas na alerto sa harap ng desperadong tangka ng AFP na magkaroon ng “tagumpay” bago matapos ang 2024.

AB: 7 sundalo ng AFP, napaslang sa mga kontra-reyd ng BHB-Masbate