70-anyos na babaeng magsasaka, hindi makatarungang inaresto sa Masbate

, ,

Inaresto ng mga pwersa militar ang 70-anyos na babaeng magsasakang si Dolores Rapsing-Belibit sa Barangay Bolo, Masbate City, Masbate noong Setyembre 30. Pinaniniwalaang pinag-initan siya ng mga sundalo dahil siya ay nakatatandang kapatid ni Jose Rapsing, martir na rebolusyonaryong kilusan, kung kanino nakapangalan ang kumand ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate, noon pang dekada 90.

Sinampahan siya ng dalawang kaso ng pagpatay, tangkang pagpatay, at iba’t iba pang krimen na sinasabing gawa-gawa para gipitin at patagalin ang pagkukulong sa matanda.

Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng siyam na yunit militar at pulis ang bahay ni Belibit bandang alas-4 ng madaling araw at isinagawa ang iligal na pag-aresto. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Masbate.

Iligal ding inaresto ng mga pwersa ng estado sina Nilo Mabuti Almoradie, 58 anyos, at Melanie Tupas Amor sa Barangay Piña, San Jacinto noong Oktubre 2 sa gawa-gawang kasong pagpatay. Si Almoradie ay walang-batayang pinararatangan na “3rd most wanted” sa bayan ng San Jacinto. Kasalukuyan silang nakadetine sa San Jacinto Municipal Jail.

Ang mga biktima ay pawang pinararatangang mga kasapi at matataas na upisyal ng BHB, sa karaniwang modus ng militar at pulis para arbitraryong magkulong ng mga sibilyang magsasaka. Dagdag ang mga biktima sa halos 800 bilanggong pulitikal sa bansa.

AB: 70-anyos na babaeng magsasaka, hindi makatarungang inaresto sa Masbate