70 kapamilya at alipures, kasamang maglamyerda ni Marcos sa Switzerland

Di bababa sa 70 ang diumano’y delegasyong isinama ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang lakad sa Davos, Switzerland nitong Enero 16. Kasama dito ang kanyang pamilya (kabilang ang kapatid na si Irene Marcos-Araneta), mga burukratang alipures at kasosyong negosyante. Malayong mas malaki ito kung ikukumpara sa di tataas sa 20-katao na bumuo sa mga delegasyon ng mga upisyal ng pinakamalalaking kapitalistang bansa, kabilang ang US.

Tulad sa ibang mga lakad ni Marcos Jr, sagot lahat ng gastos ng byaheng ito ng mamamayang Pilipino. Ang byaheng ito ay ika-8 na sa 7-buwan ni Marcos sa poder at pangalawa sa loob lamang ng Enero.

Ang Switzerland ang isa sa pinakamahal na bansang panturista sa buong mundo. Pumunta si Marcos doon para sa World Economic Forum, ang taunang pagpupulong na ipinatatawag ng mga imperyalista at pinakamasasahol na kapitalista sa buong mundo.

Maaalalang nakalagak sa mga bangko sa Switzerland ang daan-daang milyong dolyar na yaman ng pamilyang Marcos na ninakaw sa gubyerno sa panahon ng diktadura ng kanilang amang si Ferdinand Marcos Sr.

Ikinagalit naman ng ilang senador ang anunsyo ni Marcos Jr na ipagmamalaki niya sa WEF ang di pa pinagtitibay na Maharlika Invesment Fund. Ayon kay Sen. Koko Pimentel III, ginagamit ni Marcos Jr ang pagkakataon para i-presyur ang Senado na agad na ipasa ang panukalang magbubuo sa MIF.

“Masyado pang maaga, masyadong nagmamadali. Sigurado ba silang lulusot sa Senado yang Maharlika Investment Fund bill?” ayon sa senador, alinsunod sa ulat ng isang pahayagan. Tutol si Pimentel sa panukalang MIF.

 

AB: 70 kapamilya at alipures, kasamang maglamyerda ni Marcos sa Switzerland