Balita

8 kalabaw at baka ng mga magsasaka sa Masbate, ninakaw ng 2nd IB

Walang nagawa ang mga magsasaka mula sa lupaing Triple A sa Cawayan, Masbate nang harap-harapang nakawin ng mga sundalo ng 2nd IB ang alaga nilang walong kalabaw at baka noong Nobyembre 27. Bago nito, ninakaw rin ng mga sundalo ang mga alagang hayop ng mga magsasaka sa mga barangay sa bayan ng Mobo, Milagros at Uson.

Para takasan ang krimen, pinalabas ng mga sundalo na pagmamay-ari ng rebolusyonaryong kilusan ang mga alagang hayop ng mga magsasaka kaya “kinumpiska.” Panibagong manipestasyon na naman ang mga kasong ito ng paghaharing militar sa mga barangay sa Masbate.

Maliban sa mga hayop, inaagaw din ng mga berdugo, katuwang ang mga taksil sa rebolusyonaryong kilusan, ang niyugan ng mga magsasaka sa Sityo Malapinggan, hangganan ng Barangay San Jose sa Uson at Barangay Sawmill sa Mobo. Ang sinumang magsasaka na mangahas na magkopra sa naturang niyugan ay pinapuputukan ng baril at sinisindak. Isang magsasaka ang naitalang napatay ng mga sundalo sa pamamaril.

Kinundena ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Masbate ang pagnanakaw at nagpapatuloy na paghahasik ng lagim ng 2nd IB sa mga komunidad ng mga magsasaka. Anito, higit na mas matindi ang epektong idinidulot ng mga berdugo sa kanilang buhay at kabuhayan kaysa sa kalamidad. Sila ay peste sa buhay ng mga magsasaka, anang grupo.

Kahit sa panahon ng pananalasa ng magkakasunod na malalakas na bagyong Opong, Tino at Uwan, hindi nilubayan ng 2nd IB ang mga magsasaka. Walang patid na operasyong militar ang tugon ng rehimeng US-Marcos sa mga magsasaka sa halip na kumpensasyon at ayuda. Hanggang ngayon ay hindi pa rin lubos na nakakaahon ang mga magsasaka mula sa hagupit ng mga bagyo.

Dagdag ng PKM-Masbate, katuwang at kakutsaba din ng militar ang mga dayuhang korporasyon sa mina at ekoturismo, rantsero at mga lokal na pulitiko, na inaangkin ang mga lupang sinasaka ng mga magsasaka.

Nagpapairal din ang mga berdugo ng batas militar tuwing nag-ooperasyon sila sa mga baryo. Nililimitahan nila ang kilos at oras ng pagtatrabaho ng mga magsasaka at kinukulong sa mga sentrong baryo.

Batid ng mga magsasakang Masbateno na ang tunay na layunin ng mga militar ay wasakin ang kanilang pagkakaisa at paglaban para sa kanilang lupa, buhay at kabuhayan, paliwanag ng grupo.

Nanawagan ang PKM-Masbate sa mga tagapagtaguyod sa karapatang-tao na imbestigahan ang tumitinding pang-aabusong militar sa prubinsya. Hinimok rin ng grupo ang mga nasa hanay ng midya na pumanig sa mga magsasaka at tulungan sila sa paglalantad sa umiiral na batas militar sa Masbate.

AB: 8 kalabaw at baka ng mga magsasaka sa Masbate, ninakaw ng 2nd IB