Balita

86th IB, naghahasik ng terorismo sa Isabela

Inireklamo ng mga residente ng Barangay Dicama 2, Jones, Isabela ang panggigipit sa kanila ng 86th IB nitong linggo. Anila, sapilitan silang dinala sa istasyon ng PNP Jones noong tanghali ng Abril 22 matapos sila magreklamo kaugnay sa pagpapaputok ng 86th IB sa kanilang bahay noong Abril 20, bandang alas-6 sais ng umaga.

Ayon sa mga biktima, pinipilit sila ng PNP Jones at militar na baguhin ang kanilang salaysay kaugnay sa walang pakundangang pamamaril ng mga sundalo at sa halip ay sabihing nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng BHB at militar. Pinipilit naman ng isang nagngangalang Virgilio Unay na may baril ang mga residente at sinubukan pang kunan sila ng litrato katabi ng nasirang bahay at kagamitan.

Sa kabila ng reklamo, nananatiling nakahimpil ang militar sa kanilang barangay. Pinalalabas ng mga sundalo na nasa lugar sila dahil sa naganap na “engkwentro” sa barangay.

Samantala, nagpunta ang mga taong simbahan sa Camp Melchor Dela Cruz, Gamu, Isabela upang hanapin si Andy Magno at kanyang kasamang Agta ngunit itinanggi ng upisyal militar na humarap sa kanila na nasa kanilang kustodiya ang dalawa. Taliwas ito sa unang pahayag sa publiko ng 5th ID. Kabataang nangangampanya ang dalawa sa Dicama 2 nang hulihin sila ng militar.

Ayon sa Karapatan Cagayan Valley, ipinakikita ng insidenteng ito ang desperasyon ng 86th IB, 5th ID, at PNP Jones na baligtarin ang katotohanang walang naganap na labanan. Ipinakikita rin nito na nakahanda ang militar ang ipahamak ang mga sibilyan para pilitin sila sa gusto nitong palabasin. Nanawagan ang grupo na ipagtanggol ang mga sibilyan at palayasin ang militar na naghahasik ng terorismo sa Barangay Dicama.

AB: 86th IB, naghahasik ng terorismo sa Isabela