97 indibidwal, sinampahan ng kaso ng PNP kaugnay ng protestang kontra korapsyon ng Setyembre 21
Nag-anunsyo ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong Nobyembre 3 na nagsampa ito ng mga kaso laban sa 97 hindi pinangalanang indibidwal kaugnay ng salpukan at protesta ng kabataan noong Setyembre 21 sa Mendiola at Recto sa Maynila. Ayon sa direktor ng PNP-CIDG, ang mga kaso ay para sa konspirasiya o panukalang maglunsad ng rebelyon o insureksyon, sedisyon at pag-uudyok ng sedisyon.
Isinampa ng PNP-CIDG ang mga kaso noong Oktubre 28 sa Department of Justice. Ipinagyabang ng mga upisyal ng PNP na paunang serye pa lamang ang pagkakaso at nakatakda pa ang ikalawang serye.
Walang ibinigay na detalye ang direktor ng PNP-CIDG sa mga kakasuhan ngunit sa nagdaang mga linggo ay ipinatawag ng upisina nito sa pamamagitan ng subpoena ang anim na indibidwal para sa “imbestigasyon” kaugnay ng insidente. Apat sa mga ipinatawag ay mga lider-estudyante mula sa University of the Philippines (UP)-Diliman, Polytechnic University of the Philippines (PUP), at De La Salle-College of St. Benilde (DLS-CSB).
Naging target ng panggigipit ng PNP at rehimeng Marcos sina UP-Diliman University Student Council Chairperson Joaquin Buenaflor, PUP Central Student Council President Tiffany Brillante, Alyansa ng Kabataang Mamamahayag PUP Chairperson Jacob Baluyot at organisador ng Kalayaan Kontra Korapsyon at estudyante ng DLS-CSB na si Aldrin Kitsune. Ang dalawa pang “ipinatawag” ng mga pulis ay ang vlogger na si Park Alamada Pangawilan (Kuya Par) Vlogger at dating Manila 3rd District Rep. Harry Angping.
Liban sa kanila, hindi bababa sa 270 inibidwal kabilang ang 91 menor de edad ang brutal at marahas na inaresto ng mga pulis sa araw ng pagkilos noong Setyembre 21. Sinampahan na sila ng mga pulis ng Maynila ng kasong paglabag sa Article 146 (Illegal Assembly), Article 148 (Direct Assault), Article 151 (Resistance and disobedience to a person in authority), Article 153 (Tumults and other disturbances of public order) at Article 320 (Arson) ng Revised Penal Code, at Batas Pambansa 880. Sampu sa mga inaresto ang inirekomenda ng prosekyutor sa Maynila na pormal na humarap sa kasong Tumults and other disturbances of public order.
“Isa itong pagtugis sa mga lumalaban,” ayon kay Atty. Ephraim B. Cortez, presidente ng National Union of People’s Lawyers (NUPL). Dagdag ni Cortez, malinaw na ginagamit ng rehimen ang “marahas na insidente” sa rali sa Mendiola bilang dahilan para tugisin ang mga lumalaban kung saan tinaraget nito ang “pinakamalalakas ang tinig, pinakamaiingayy, at pinaka-desididong lumaban” na mula sa hanay ng mga kabataan at estudyante.
“Naging target sila dahil sa pagbibigay ng mas matalas at mas malalim na pagsusuri sa sitwasyon. Panawagan nilang panagutin ang lahat,” ayon kay Cortez. Dagdag pa niya, nagalit ang gubyerno sa kanila dahil sa pangangahas na ilantad ang korapsyon bilang bahagi ng kabulukan ng isang buong sistemang nagpapahintulot dito.
Aniya, sa halip na gamitin ng CIDG at rehimeng Marcos ang rekurso ng estado para kasuhan ang mga kurakot na upisyal ng gubyerno at kanilang mga kasabwat ay ginagamit pa ito laban sa mga kabataan at lider-estudyante. Panawagan ng NUPL at ng mga grupo sa karapatang-tao na itigil ang panggigipit sa mga kabataan at lider-estudyante at ibasura ang tinatawag nilang gawa-gawang mga kaso laban sa mga inaresto at banta pang kasuhan.
Samantala, bilang bahagi ng paglaban sa panggigipit ng PNP-CIDG ay naghain noong nakaraang linggo ang Makabayan Bloc ng isang panukalang batas na tanggalan ang ahensya ng kapangyarihang maglabas ng subpoena. Ang kapangyarihan ng PNP-CIDG na magpa-subpoena para sa “imbestigasyon” ay ipinagkaloob ng dating rehimeng Duterte na nagsabatas sa Republic Act (RA) No. 10973 noong 2018.