“Aberya” sa NAIA, idadahilan sa pribatisasyon

,

Nasa 65,000 byahero ang naperwisyo dulot ng isang aberya (“glitch”) sa airport tower control at pagkawala ng kuryente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Enero 1. Umabot sa 300 flight o takdang biyahe ng eroplano, lokal at internasyunal, ang nabalam dahil dito. Ayon sa mga upisyal ng paliparan, sabay na pumalpak pangunahin at sekundaryo (back-up) nitong pinagkukunan ng kuryente. Humingi sila ng 72 oras para lubos na maresolba ang mga problema.

Maraming eroplanong nasa ere ang napilitang bumalik sa pinanggalingang mga bansa. Ilang oras na nakapaskil sa mga pahayagan ang “Manila is Down” dahil sa absolutong pagtigil ng air traffic sa buong bansa.

Marami ang nagduda sa aberya noong bagong taon, lalupa’t ilang araw lamang bago nito (Disyembre 28), inianunsyo ng kalihim ng Department of Transportation na si Jimmy Bautista ang planong pagsasapribado sa NAIA. Ayon sa kalihim ng ahensya, tinatrabaho ng ng gubyerno,katuwang ang Asian Development Back, ang pribatisasyon ng paliparan at maaaring ilaas na ang kontrata para rito sa unang kwarto ng taon.

“Fishy” o “kaduda-duda” ang paglalarawan ni Deputy Minority Leader at ACT representative Frances Castro sa perwisyong “glitch” sa NAIA.

“Tyempong tyempo naman na nangyari ang aberya ilang araw lamang matapos ianunsyo ng DOTr ang pagsasapriado ng NAIA para imodernisa daw ito,” aniya. “Di pa ba nila natutunan na ang pribatisasyon ay nangangahulugan lamang ng mas mataas na singil sa mga konsyumer?”

Isa ang NAIA sa pinakamasamang paliparan sa buong mundo, at ika-3 sa Asia, ayon sa sarbey na isinagawa ng isang travel blog noong nakaraang buwan. Noong 2018, tinangka itong isapribado para diumano gawing “mas episyente” ang serbisyo rito. Hindi natuloy ang pribatisasyon dahil sa di pagkakasundo sa aregluhan ng noo’y rehimeng Duterte at mga kumprador na sangkot dito.

Noong 2020, iniatras ni Rodrigo Duterte ang pakikipagnegosasyon nito sa tinawang na NAIA consortium na kinabilangan ng Aboitiz InfraCapital, Inc., AC Infrastructure Holdings Corp., Alliance Global Group, Inc., Asia’s Emerging Dragon Corp., Filinvest Development Corp., JG Summit Holdings, Inc., at Metro Pacific Investments Corporation. Ang Asia Emerging Dragon ay pag-aari ng pamilya ni Lucio Tan, na siyang may-ari ngayon ng Philippine Airlines. Si Secretary Bautista ng DOTr ay dating chief executive officer (pinakamataas na upisyal) ng Philippine Airlines mula 2004 hanggang 2019.

Kasabay ng paglalatag ng bagong mga paliparan sa ibang bahagi ng Pilipinas. Ilang taon nang nag-uunahan ang pinakamalalaking burgesya-kumprador para kopohin ang mga kontrata para sa mga ito.

Isa rito ang kamuh-muhing proyektong Aerotropolis ng San Miguel Corporation na nagpalayas na sa mga mangigisda sa Taliptip, Bulacan at sumira na sa mga bakawan dito. Isa pa ang proyektong pagpapalawak sa Sangley Airport sa Cavite na dating ibinigay sa grupo ni Lucio Tan.

AB: "Aberya" sa NAIA, idadahilan sa pribatisasyon