Balita

Pribatisadong serbisyong patubig sa Bulacan, binatikos

Nagprotesta sa harap ng upisina ng Water District sa Barangay Minuyan III, San Jose del Monte, Bulacan ang mga kasapi at tagasuporta ng Alliance for Consumers Protection (ACP)-CSJDM noong Disyembre 11 para batikusin ang pangit na serbisyo at patung-patong pang mga singilin nito sa mga konsyumer. Isinapribado ang serbisyong patubig simula noong Mayo 2018 nang pumasok ang lokal na gubyerno sa joint venture agreement (JVA) kasama ang PrimeWater Infrastructure Corporation, pag-aari ng pamilyang Villar.

Nais iparating ng mga residente sa mga upisyal ng lokal na gubyerno ang usapin ng pahintu-hintong daloy, marumi at hindi mainom na tubig, at ang mataas na bayarin dahil sa bagong taripang ipinataw ng PrimeWater na may basbas ng Board of Directors ng Water District.

“Sa loob ng limang taong pamamahala ng PrimeWater sa halip na mapaganda ang serbisyo ay lalo lamang bumigat ang kalbaryo ng mamamayan,” giit ng ACP-CSJDM. Simula’t sapul ay tinutulan na ng grupo ang pribatisasyon ng serbisyong patubig ngunit walang pakundangan itong itinuloy ng lokal na gubyerno.

Muling nagpetisyon ang mga residente at kasapi ng grupo sa lokal na gubyerno para suspendihin ang implementasyon ng pagtataas ng taripa ng tubig, tanggalin ang minimum rate na 5 metro kubiko at gawing kada metro kubiko ang singil, ibalik ang malinis, dekalidad at tuluy-tuloy na suplay ng tubig sa syudad at ipawalang-bisa ang JVA at pribatisasyon nito.

Sa buong bansa, kabi-kabila na ang naging reklamo ng mga residente at organisasyon sa mga anomalya, napakamahal na singil at pangit na serbisyong nakapailalim sa JVA kasama ang PrimeWater. Mayroong aabot sa 100 water district sa 500 pag-aari ng gubyerno ang pumasok na sa mga kasunduan kasama ang PrimeWater. Sumikad ang pribatisasyon ng serbisyong patubig mula nang itinutulak ng gubyerno ang public-private partnership sa kapinsalaan ng publiko.

AB: Pribatisadong serbisyong patubig sa Bulacan, binatikos