Pamasahe sa LRT, nakatakdang itaas

,

Sa gitna ng nagmamahalang presyo ng pagkain, mataas na singil sa kuryente at tubig at pagbabalik ng pamasahe at pribatisasyon ng sistemang bus sa EDSA, itataas naman ngayon ng rehimeng Marcos ang pamasahe sa LRT.

Ibinalita noong Enero 11 na inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang dagdag pamasahe sa LRT 1 at LRT 2 na ₱2.29 sa boarding fare at dagdag na ₱0.21 kada kasunod na kilometro. Sa gayon magiging ₱13.29 (mula sa ₱11) ang boarding fare at magiging ₱1.21 (mula sa ₱1) na ang dagdag kada kilometro.

Sa gayon, ang pamasahe sa LRT2 mula istasyon ng Roosevelt at Balintawak ay magiiging ₱15 na para sa gumagamit ng stored value card at ₱20 para sa mga single journey ticket. Sa LRT 1 naman, magiging ₱12 na ang pamasahe mula Recto hanggang Legarda para sa mga gumagamit ng stored value card at ₱15 para sa mga gumagamit ng single journey ticket.

Binatikos ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan, ang nakatakdang taas-pamasahe. Aniya, wala sa mga balita na nagkaroon ng mga konsultasyon, gayong noon pang Abril 2022 isinumite ng pribadong opereytor ng riles ang petisyon para sa taas-pamasahe. Labag umano ito sa batas. Kung walang konsultasyon sa publiko, kwestyunable ang pagtataas at dapat pigilan ito, aniya.

“Sabi ng DOTr noong Mayo 26, 2022 na walang mangyayaring pagtaas ng pamasahe sa gitna ng pagtaas ng implasyon, noong nasa 4.9% (ito)” ani Reyes. “(S)a katapusan ng Disyembre 2022, umabot sa 8.1% ang implasyon. Bakit ngayon pa igagawad ang pagtaas ng pamasahe?”

Muli nitong pinatatampok ang problema sa pribatisasyon, aniya. “Kung sasabihin ng LRMC (pribadong opereytor ng LRT) at ang LTFRB na hindi saklaw ng concession agreement ang pagkakaroon ng mga pagdinig para sa pagtaas ng pamasahe, babalik tayo sa problema ng patakaran ng pribatisasyon bilang kontra-komyuter.”

Ipinag-aalala ng Bayan na kung hindi pagbibigyan ang petisyon ng LRMC na taas-pasahe, babalikatin na naman ng estado, at sa gayon, ng mamamayang Pilipino ang kulang sa kasalukuyang pamasahe sa hinihingi ng pribadong kumpanya. Sa nakaraan, nagsampa ng aribitrasyon ang LRMC na bigyan ito ng gubyerno ng ₱2.67 bilyon matapos tanggihan ang petisyon nito para sa taas-pasahe.

“Sa katapusan, ang mamamayang nagbabayad ng buwis pa rin ang babalikan sa taas-pasahe,” ayon kay Reyes. “Kailangang labanan ang pagtaas sa pamasahe at ang nagpapatuloy na pribatisasyon pangmasang transportasyon.”

AB: Pamasahe sa LRT, nakatakdang itaas