Taas-singil sa tubig, bunga ng kainutilan ng gubyerno
Dismayado ang mga maralita sa anunsyo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na inaprubahan nito ang pagtataas sa singil ng mga pribadong kumpanya sa tubig na Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Co. Inc sa darating na Enero 2024. Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), ang pagtaas ng presyo ng mga batayang serbisyo ay indikasyon ng kapabayaan ng pamahalaan. Maapektuhan ng taas-singil sa tubig ang mga residente ng Metro Manila at karatig prubinsya.
Magtataas ng singil ang Manila Water nang ₱6.41 kada metro kubiko (cubic meter), mula ₱35.86 ngayong taon tungong ₱42.27 kada metro kubiko ang sisingilin ng kumpanya pagpasok ng bagong taon. Nagsusuplay ng tubig ang Manila Water sa 25 syudad at munisipyo sa Metro Manila at Rizal.
Mula 2010 hanggang 2020, umabot sa ₱5.453 bilyon ang taunang netong kita ng Manila Water. Pinakamalaki ang ibinulsa ng kumpanya noong 2018 na umabot nang ₱6.52 bilyon. Ang Manila Water ay pag-aari ni Enrique K. Razon, isa sa pinakamalaking burgesyang kumprador sa bansa.
Magtataas naman ang Maynilad nang abereyds na ₱7.87 kada metro kubiko. Ang Maynilad ang suplayer ng tubig sa kanlurang bahagi ng Metro Manila at ilang lugar sa Cavite.
Tinawag ng Kadamay na di makatwiran ang mga pagtataas ng singil dahil wala itong pagsasaalang-alang sa pampinansyang kapasidad ng mamamayan. Anito, kalabisan ang palagiang pagtataas ng presyo ng batayang serbisyo gayong usad-pagong ang pagtaas ng sahod.
Pangangatwiran naman ng mga upisyal ng MWSS, kinakailangan ang pagtataas ng singil para punan ng mga konsesyuner ang mga gastusin sa iba’t ibang mga proyekto para magkaroon ng sapat na tubig sa mga lugar na sinusuplayan nito sa panahon ng epekto ng El Niño sa susunod na taon.
Puna ng Kadamay, “Alam naman ng gubyerno na bahagi ng klima ng Pilipinas ang El Niño. Bakit tila taun-taon ay nagugulat ang MWSS at para baga kailangang paghandaan ang El Niño kaya kailangan ng biglaang taas-presyo?”
Ang pagtataas ng singil ng Maynilad at Manila Water ay ikalawa na sa serye ng pagtataas ngayong taon. Pinayagan din magtaas ang mga ito ng singil kada taon sa susunod na tatlong taon.