Balita

AFP, naminsala sa kabuhayan sa walang patumanggang pamamaril sa Negros Occidental

,

Pinsala sa kabuhayan ng mga residente ng Candoni, Negros Occidental ang dala ng mga operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang lugar. Noong Nobyembre 24, napatay sa walang patumanggang pamamaril ng mga sundalo nito ang isang kalabaw malapit sa Pagatban River sa hangganan ng mga bayan ng Candoni, Ilog at Hinobaan. Hindi nagbayad ng danyos para rito ang mga sundalo.

Bago nito, tatlong bomba ang inihulog ng AFP sa hangganan ng Barangay Gatuslao at Agboy sa bayan ng Candoni sa araw na iyon. Naghatid ng labis na ligalig ang mga insidenteng ito sa mga residente.

Kinundena ng Human Rights Advocates Negros ang magkakasunod na mga paglabag sa karapatang-tao ng mga sundalo. Isinagawa ang mga ito kasunod ng mga engkwentro ng 15th at 47th IB sa Bagong Hukbong Bayan sa Barangay Gatuslao noong Nobyembre 21-22.

Naniniwala ang mga grupo sa karapatang-tao na ang walang patumanggang pambobomba at pamamaril ay bahagi ng pangangamkam ng lupa ng mga Araneta at Consuji para sa ₱2-bilyong plantasyong oil palm ng Hacienda Asia Plantations Incorporated (HAPI). Kinakamkam ng HAPI ang 6,652.32 ektaryang lupa sa bayan ng Candoni.

AB: AFP, naminsala sa kabuhayan sa walang patumanggang pamamaril sa Negros Occidental