Balita

Agresibong pagtatayo ng mga balangay ng Kaguma, itinutulak

, ,

Nanawagan ang pambansang pamunuan ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) na agresibong itayo ang mga balangay nito sa loob ng mga paaralan kapwa sa pampubliko at pribado. Itinulak nito ang mga kasapi na magpursigi sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masang guro, mga kawani at iba pang sektor na inaabot ng rebolusyonaryong pagkilos at gawain para sa demokratikong rebolusyong bayan.

Anang Kaguma, hanggang patuloy na naghahari sa lipunan ang malalaking burgesyang kumprador at mga panginoong maylupa kasabwat ang mga kurakot na burukrata na nagpapakatuta sa mga imperyalista, partikular na sa US, ay patuloy na mararanasan ng sambayanang Pilipino ang walang kaparis na mga krisis at paghihirap. “Wala nang iba pang paraan para wakasan ang siklo ng mga pasakit at paghihirap [na ito] kundi ang direktang paglahok, at sa minimum ay ang aktibong pagsuporta, sa armadong pakikibaka para maipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan,” pahayag ng grupo.

Lubhang apektado ng tumitinding krisis sa ekonomya at pulitika ang mga guro at manggagawa sa sektor ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Binabalikat nila ang nagtataasang mga presyo ng mga pangunahing bilihin laluna ang bigas, petrolyo at mga batayang pangangailangan. Sa harap nito, patuloy na pinapako sa antas na hindi nakakabuhay ang sahod ng mga manggagawa, kapwa sa pribado at maging ng mga kawani sa pamahalaan tulad ng mga guro sa pampublikong paaralan, at inilulubog sila sa busabos na kalagayan.

Sa kasalukuyan, nakapako sa ₱27,000 kada buwan ang sweldo ng mga Teacher 1 sa pampublikong paaralan at inaasahang tumaas tungong ₱30,024 ngayong 2025. Malayo ito sa ipinapanawagan ng mga guro na ₱50,000 entry-level o batayang sweldo para mabuhay ang kani-kanilang mga pamilya.

Liban dito, kumakaharap din ang sektor sa pampulitikang panunupil at paglabag sa kanilang karapatang mag-organisa. Walang tigil ang mga kaso ng panggigigpit, pagmamanman, pagbabanta, Red-tagging at iba pang tipo ng paglabag sa karapatang-tao laban sa mga lider-guro sa bansa sa pangunguna ng National Task Force-Elcac at Armed Forces of the Philippines.

“Patuloy na naniniwala ang buong kasapian ng Kaguma na sa pamamagitan lamang ng tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan pangunahin sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan makakamit ang pangmatagalang ginhawa ng mga guro at buong mamamayan,” ayon sa Kaguma.

Hinimok nito ang mga kasapi na direktang mag-ambag ng lakas at talino para sa ibayong pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusang guro at Kaguma na magsisilbi sa pagapapalakas at pagpapasigla ng armadong pakikibaka pangunahin sa kanayunan. “Paramihin natin ang mga rekurso at mga materyal na suporta para sa ating hukbong bayan o New Peoples Army,” anito.

Dapat umanong mahusay na planuhin at sistematikong iprograma ng mga balangay ng Kaguma ang buong-panahong pagkilos at pakikipagkaisa ng mga kasapi nito sa batayang sektor laluna sa mga magsasaka at katutubo sa kanayunan.

Sa huli, ipinahayag ng Kaguma ang kanilang pakikiisa sa isinusulong na kilusang pagwawasto ng Partido Komunista ng Pilipinas para sa mas higit na konsolidasyon sa pulitika ng buong kasapian nito para sustenidong makapag-ambag sa pangkalahatang pagsulong ng digmang bayan hanggang sa tagumpay nito.

Sa pahayag ng Komite Sentral ng Partido noong Disyembre 26, ipinahayag ng pamunuan na “tuluy-tuloy ang mga pagsisikap na muling itatag ang mga lihim na rebolusyonaryong organisasyong kaalyado ng NDFP” sa nagdaang taon. Anito, nagmula ang mga hakbang na ito sa halos ganap na pagpapabaya sa pagbubuo ng lihim na kilusang rebolusyonaryo bunga ng pagkakamali sa ligalismo at repormismo.

Anang Komite Sentral, “may mga plano at target para sa rekrutment, pagtatayo ng mga bagong balangay, pagtataguyod at pagsuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan. May mga pagsisikap na pasiglahin ang pagpapatala na maging Pulang mandirigma o upisyal sa pulitika ng Bagong Hukbong Bayan.” Sa kabila nito, ibinahagi ng pamunuan na marami pang dapat gawin upang tugunan ang kagyat na pangangailangan para sa mga bagong rekrut, laluna mula sa mga kabataang manggagawa at intelektwal.

Ang Kaguma ay isa sa mga alyadong organisayon ng National Democratic Front of the Philippines. Itinatag ito noong Marso 28, 1971.

AB: Agresibong pagtatayo ng mga balangay ng Kaguma, itinutulak