Aktibong ahente ng 96th MICO, pinaaresto ng PNP Masbate at 2nd IB
Mariing pinabulaanan ng Bagong Hukbong Bayan-Masbate (Jose Rapsing Command) na aktibong myembro nito si Nestor Puresimo. Taliwas dito, si Puresimo ay aktibong ahente ng 96th Military Intelligence Company (MICO).
Inaresto si Puresima noong Abril 28 sa Sityo Asid-asid, Barangay Jamorawon, Milagros, Masbate ng mga elemento ng 1st Provincial Mobile Force Company katuwang ang Milagros MPS Provincial Intelligence Unit (PIU), Masbate Police Provincial Office (PPO) at 2nd Infantry Battalion-Philippine Army (2nd IB-PA). Dineklara siyang No. 4 sa listahan ng “Most Wanted” sa rehiyon ng Bicol.
Ayon sa ulat ng BHB-Masbate, inaresto si Puresima dahil hindi na siya napakikinabangan ng 96th MICO.
Matatandaang nasugatan at nalumpo si Puresima matapos siya tambangan ng yunit ng BHB-Masbate noong 2023 bilang aksyong pamamarusa sa patong-patong niyang kaso sa mamamayan. Kabilang sa mga kasong ito ang pagnanakaw, pananakot, panggigipit sa mga residente sa una at ikalawang distrito ng prubinsya, at pagpaslang at tangkang pagpaslang. Kasama niya sa panahon na iyon ang dalawang elemento ng CAFGU.
Ayon sa BHB, dating myembro nito si Puresimo. Bago siya maging ahente ng AFP, dinukot ng mga elemento ng 96th MICO ang kanyang mga magulang at asawa. Binantaang papaslangin ang kanyang mga magulang at gagahasain ang kanyang asawa kung hindi siya makipagtulungan sa militar. Dahil sa takot ay napilitang makipagtulungan si Puresima at sinabotahe ang nakaplanong taktikal na opensiba ng yunit na nagresulta sa pagkasawi ng isang kasama at pagkasamsam ng isang bomba at dalawang baril.
Nananawagan si Ka Luz Del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate sa lahat ng mga surenderi na hanggat may oras pa ay kumalas na sa pagiging tau-tauhan ng mga militar at pulis. “Ginagamit lang kayo ng militar at pulis upang wasakin ang pagkakaisa ng masang Masbatenyo. Buwagin ang mga nakatayong samahan at mga pakikibakang masa na lumalaban sa pang-aagaw sa kabuhayan, karahasan at pamamaslang ng reaksyunaryong estado at sandatahang lakas nito. Higit sa lahat, gawin kayong pambala sa kanilang mga operasyon laban sa BHB.”
“Sila ang nakakakuha ng mga promosyon, dagdag-sahod at pagkilala kung may nakakamit na tagumpay laban sa BHB matapos kayong makipagtulungan sa kanila. Subalit, ano naman ang nakukuha ninyo? Nais niyo rin bang maging katulad ni Nestor Puresima?”
“Hindi ang pagsuko at pakikipagtulungan sa reaksyunaryong estado ni Bongbong Marcos Jr at mga mersenaryo nito ang magbibigay katiyakan sa kaligtasan at magbibigay ng kaunlaran sa kabuhayan ng masang Masbatenyo. Tanging sa mahigpit na paghawak ng armas, pagsulong at pagpapatagumpay lamang ng pambansa-demokratikong rebolusyon ito makakamit” dagdag pa ni Ka Luz.