Balita

Alon 2025 war games ng US, naghahatid ng kapahakamakan sa bansa—NDF-Palawan

,

Kinundena ng National Democratic Front (NDF)-Palawan ang inilulunsad na Alon 2025 war games ng US, sa pamamagitan ng pwersang militar ng Australia at Pilipinas, sa West Philippine Sea (WPS) na nagsimula noong Agosto 15 at tatagal hanggang Agosto 29. Ang Alon 2025 ang tinaguriang pinakamalaking war games ng Australia labas sa sarili nitong teritoryo.

Itinatago sa likod ng bilateral exercises sa pagitan ng Australia at Pilipinas ang katotohanan na US ang kumukumpas sa Alon 2025 war games. Upisyal na sinimulan ang war games sa hedkwaters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command sa Puerto Princesa City, Palawan kung saan nakabase ang Task Force Ayungin ng US.

Ilulunsad ang iba’t ibang aktibidad militar pangunahin sa Palawan, Mindoro at iba pang bahagi ng Luzon. Hindi bababa sa 3,600 sundalo ang kalahok sa war games kabilang ang 1,600 mula sa Australia, 1,525 mula sa Pilipinas, 180 mula sa Canada, at 350 mula sa US, habang mayroong mga “tagamasid” mula sa ibang bansa sa Asia.

“Naglalayon itong patindihin ang tensyon sa WPS sa pamamagitan ng pagpaparada ng pwersa at lakas ng magkakaalyadong bansang Australia, Pilipinas, US at Canada laban sa China sa rehiyong Indo-Pacific,” ayon kay Ka Leona Paragua, tagapagsalita ng NDF-Palawan.

Aniya, ang Alon 2025 war games tulad ng Balikatan 2025 at napakarami pang war games ng US sa Pilipinas, ay bahagi ng paghahanda para sa nilulutong gera ng US sa Indo-Pacific. “Hinahatak nito ang mga ‘alyadong’ bansa sa rehiyon para maglunsad at lumahok sa mga tambalang pagsasanay militar at magpakitang-gilas,” aniya.

Ayon kay Ka Leona, muli na namang liligaligin ng mga amphibious landing operations, maniobrang pandagat, isang mass airlift ng Australian Army battle group, at live-fire exercises ang buhay at kabuhayan ng mamamayan. “Presensyang militar pa lang nila, nakasisindak na para sa mga residente, lalong higit ang nakatutulig na mga putok ng baril at ng iba pang armas pandigma na gagamitin sa pagsasanay,” dagdag ng tagapagsalita.

Higit ang pagkabahala ng masang Palaweño sa Alon 2025 war games laluna sa harap ng eskalasyon ng tensyon at mga komprontasyon kamakailan sa WPS sa pagitan ng mga pwersang militar at nabal ng China at ng Pilipinas, sa sulsol ng US. Sa harap nito, nanawagan ang NDF-Palawan sa mamamayang Palaweño na tuligsain ang pagkasangkapan ng rehimeng Marcos sa imperyalistang pakana ng US.

“Ipanawagan ang pagpapatigil ng mga ehersisyong militar kasama ang mga dayuhang imperyalistang bansa, at pagwawakas sa mga di-pantay na kasunduan militar at patakarang panlabas na nagpapahintulot sa paninikluhod ng rehimen sa kanila,” ayon kay Ka Leona.

AB: Alon 2025 war games ng US, naghahatid ng kapahakamakan sa bansa—NDF-Palawan