Balita

Alyansa kontra korapsyon ng mga migrante at kanilang pamilya, itinatag

, ,

Inianunsyo ng grupong Migrante Philippines, Samahan ng mga DH sa Gitnang Silangan (SANDIGAN), Concerned Seafarers of the Philippines at National Council of Churches in the Philippines (NCCP) noong Nobyembre 25 ang pagkatatag ng MALETA Network o Returned Migrants, Advocates and Loved Ones Engaged in Transparency and Accountability, alyansa ng mga migrante at kanilang pamilya laban sa korapsyon.

Ayon sa Maleta Network, tinatayang 8,000 mangggawang Pilipino ang umaalis sa Pilipinas kada araw upang nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Sa kabuuan, nasa 15 milyong migranteng ang nagtatrabaho sa Middle East, US, Europe, Australia at Asia. Noong 2024, umabot sa $38.34 bilyon ang kabuuang remitans na kanilang naipadala.

Ngunit bago pa man umalis ang isang migrante sa bansa, sandamakmak na rekisitos ang kailangan niyang punuan at pagkagastusan. Kabilang dito ang NBI, police clearance, birth certificate, passport, medical, placement fee, SSS, PAG-IBIG, Philhealth at OWWA membership fee. Dagdag pasanin din ang pribatisasyon ng Ninoy Aquino International Airport na nagresulta sa mas matatataa na bayarin sa paliparan, ayon sa alyansa.

Sa kabila ng napakaraming bayarin, minimal o halos walang nakukuhang serbisyo at proteksyon ang mga migrante laban sa pang-aabuso at karahasan sa ibayong dagat. Tinatawag na bayani ang mga migrante. Pero sa panahon na sila ay nangaganib, kailangan nilang magmakaawa sa mga ahensya ng gubyerno para tulungan o isalba.

Ang malala, ang pondo na nakalaan sana para sa proteksyon at serbisyo ng mga migrante at kanilang pamilya ay napupunta lamang sa bulsa ng iilan.

Ayon sa alyansa, panahon na para tumindig at tutulan ang malawakang korapsyon sa gubyerno. Kailangang managot lahat ng sangkot at bawiin lahat ng ninakaw na pera mula sa kaban ng bayan. Nanawagan sila sa kapwa nila migrante at kanilang kaanak na lumahok sa pambansang pagkilos laban sa korapsyon sa Nobyembre 30 sa Luneta Park.

AB: Alyansa kontra korapsyon ng mga migrante at kanilang pamilya, itinatag