Balita

Ambag ni Rep. Edcel Lagman sa pagtataguyod ng mga karapatan, kinilala

, ,

Kinilala ng mga kinatawan ng Makabayan Bloc sa kongreso ang mga naging ambag sa mga pakikibaka ng sambayanan at progresibong tindig ng pumanaw na kinatawan ng unang distrito ng Albay na si Rep. Edcel Lagman. Pumanaw si Rep. Lagman sa isang ospital sa Quezon City noong Enero 30 sa edad na 82 dahil sa atake sa puso. Nakiramay ang mga kinatawan ng Makabayan Bloc sa naiwang pamilya ni Representative Lagman.

Tinawag ng Makabayan Bloc na “tunay na statesman, prinsipyadong mambabatas, at walang maliw na tagapagtanggol ng karapatang-tao” si Rep. Lagman. Anang grupo, isang malaking kawalan hindi lamang sa Kongreso ang pagpanaw ng mambabatas kundi maging sa buong bansa.

“Bilang isang malapit na kaibigan at alyado ng Makabayan Bloc, nanindigan siya sa maraming laban para sa mga karapatan at kagalingan ng mamamayan,” ayon sa pinag-isang pahayag nina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at Kabataan Rep. Raoul Manuel.

Ayon kay Rep. Castro, higit sa pagiging isang katrabaho si Rep. Lagman dahil nagsilbi siyang tagapayo at inspirasyon sa maraming progresibong mambabatas. “Ang kanyang matalas na kaalaman sa batas at tapang ng paninindigan ay instrumental sa pagtatangogl sa karapatang-tao at kalayaang sibil, laluna sa pinakamadidilim na pagkakataon,” ayon pa kay Rep. Castro.

“Si Ka Edcel ay hindi lang basta kakampi, kundi isang tunay na kapatid sa pakikibaka. [H]alimbawa ng tunay na paglilingkod sa bayan,” ayon naman kay Rep. Brosas.

Kabilang si Rep. Lagman sa mga nanindigan laban sa charter change, nagpanukala sa Anti-Enforced Disappearance Act at sa Adolescent Pregnancy Prevention Bill. Matingkad rin ang kanyang rekord ng pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag at pagprotekta sa mga demokratikong institusyon.

Nagsilbi siyang kinatawan ng unang distrito ng Albay sa loob ng walong termino mula 1987-1998, 2004-2013 at 2016 hanggang sa kanyang pagpanaw. Presidente rin ng Liberal Party si Rep. Lagman nang siya ay pumanaw.

Para naman kay Rep. Manuel, ang mga prinsipyo at aral ni Rep. Lagman ay magsisilbing tanglaw sa patuloy na pakikibaka ng mga kabataan para sa karapatan at kagalingan ng mamamayang Pilipino.

“Kasama kami ng bayan sa pagkilala sa pamanang serbisyo at paninindigan sa demokrasya ni Rep. Lagman,” ayon sa mga kinatawan ng Makabayan Bloc.

AB: Ambag ni Rep. Edcel Lagman sa pagtataguyod ng mga karapatan, kinilala