Balita

Anibersaryo ng hukbong bayan, ipinagdiwang ng KM sa Davao

,

Ipinagdiwang ng mga myembro ng Kabataang Makabayan-Southern Mindanao Region (KM-SMR) ang ika-56 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Inilunsad ng KM-SMR ang pagpapaskil ng mga pahayag at istiker na nagbibigay-pugay sa hukbong bayan sa mga unibersidad sa Davao, balwarte ng mga Duterte, noong huling linggo ng Marso.

“[M]uling nag-aalab ang diwa ng rebolusyon sa ating mga puso bilang mga kabataan [sa okasyon ng anibersaryo ng BHB],” pahayag ni Ka Karina Magtanggol, tagapagsalita ng KM sa rehiyon. Aniya, sa kabila ng mga pagsubok at hamon na kanilang kinakaharap, ang kanilang henerasyon ay patuloy na gumagampan sa mahalagang papel sa pakikibaka para sa tunay na kalayaan at katarungan sa bayan.

Sa pahayag nito, pinagpugayan at kinilala ng KM-SMR ang mga martir ng BHB sa rehiyon at bansa na buong pusong nag-alay ng kanilang buhay para sa higit na mataas na layunin ng kalayaan, katarungan, at panlipunang pagbabago. “Lubos naming pinapahalagahan ang inyong husay sa pagsulong ng demokratikong interes ng masang anakpawis laban sa bulok at mala-pyudal na sistema,” ayon kay Ka Karina.

Kabilang sa mga pinarangalan ng grupo si Ka Lucas (Rendell Ryan Cagula). Si Ka Lucas, 23, ay isang kabataang Pulang mandirigma na nabuwal sa labanan sa Maasim, Sarangani noong Nobyembre 4, 2014. Tubong-Davao City, nakilala siya bilang isang lider-estudyante sa Southern Mindanao. Nagpasyang sumapi si Ka Lucas sa hukbong noong Disyembre 2013 at naitalaga sa isang yunit sa Far South Mindanao Region.

“Ang inyong walang sawang pagpapalakas ng kilusan sa larangan ng midya at impormasyon, ginamit niyo ang inyong tinig upang iparating sa masa ang tunay na kalagayan ng mga mahihirap at inaapi. Buong puso rin namin kayong pinasasalamatan sa inyong paglingkod sa mga magsasaka at manggagawa,” pagpaparangal ni Ka Karina.

“Ang inyong mga buhay ay hindi nasayang. Kayo ay naging buhay na halimbawa ng tapang, prinsipyo, at wagas na paglilingkod sa sambayanan. Bilang kabataan, kami ang magpapatuloy sa inyong nasimulan. Sa bawat hakbang ng aming pakikibaka, inaalala namin ang mga nagawa at ipinaglalaban para sa isang lipunang tunay na makatarungan, malaya, at walang pang-aabuso,” pahayag ni Ka Karina.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang KM-SMR sa pagpapanday at paghubog ng mga bagong progresibong lider na magtataguyod sa adhikain ng sambayanang Pilipino ayon kay Ka Karina. Sa kabila ng mga pagsubok at patuloy na panunupil ng estado, nakapagpunyagi sa nagdaang mga taon ang mga kabataan sa rehiyon sa pamumuno ng KM.

Ang mga kabataan sa Davao at iba pang bahagi ng Mindanao ay naging aktibo sa mga pagkilos upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at ang kanilang mga komunidad. Naging katuwang sila ng mamamayan sa Mindanao na patuloy na nakakaranas ng mga paglabag sa kanilang mga karapatan—mula sa militarisasyon ng mga komunidad hanggang sa mga proyektong nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan at kabuhayan.

Ayon kay Ka Karina, kasabay ng pagdiriwang sa anibersaryo ng BHB ay mahalagang pag-isipan at balikan ang mga aral na natutunan ng KM-SMR mula sa mga nakaraang laban. “Ang ating pagkakaisa at determinasyon ang susi sa pagbuo ng isang makatarungan at makabayang lipunan,” aniya.

Pagdidiin ni Ka Karina, ang ika-56 anibersaryo ng BHB ay paalala na ang laban ng kabataan ay hindi nagtatapos sa halip ay patuloy na umuusad, at “tayo ang magiging tagapagpatuloy nito.”

AB: Anibersaryo ng hukbong bayan, ipinagdiwang ng KM sa Davao