Araw ni Bonifacio, ginunita sa Mendiola
Matagumpay na naigiit ng mga manggagawa at ibang demokratikong sektor ang kanilang karapatan na makapagrali sa paanan ng Mendiola sa lunsod ng Maynila noong Nobyembre 30 kaakibat ng paggunita sa Araw ni Bonifacio. Idineklara nila ang araw na ito bilang araw ng panininingil ng masang anakpawis sa rehimeng Marcos Jr.
Hindi nagpatinag ang mga nagrali kahit ilang beses silang sinagupa ng mga pulis para harangin ang kanilang martsa. Mahigit 40 kalahok sa rali, karamihan mga kabataan, ang nasugatan sa pandarahas ng mga pulis.
Mariing kinundena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pang-aatakeng ito sa pagkilos at pananakit ng mga pulis sa mga raliyista. Kinundena rin nila ang walang batayang pag-aresto kay Nilo Mortifero, isang senior citizen at organizer ng Bayan Muna na kagagaling lamang mula sa stroke. Ayon sa grupo, dinampot si Ka Nilo habang naglalakad papunta lamang sa banyo. Matapos ang pagkilos, kinasuhan pa ng mga pulis ang tagapangulo ng KMU na si Elmer Labog.
Kinundena rin ng Bayan Muna ang pagkakaaresto kay Ka Nilo. “Malaking kabalintunaan na nangyari ito sa mismong aaw ng pagpupugay sa ama ng rebolusyong Pilipino,” ayon sa BM. “Hindi makatarungan ang pag-aresto kay Ka Nilo na walang ginawang mali, bagkus nakikipaglaban lamang para sa panawagan ng taumbayan para sa pagpapababa ng presyo, at pagtaas ng sahod.”
Seryosong pinaghahandaan ng mga organisasyon ang pagsasampa ng kaso laban sa PNP sa pananakit nila sa mga nag-protesta, iligal na paghuli kay Ka Nilo, at sa pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga lider.
Bago nagmartsa tungong Mendiola, nagdaos ng programa ang mga grupo sa Liwasang Bonifacio kung saan inihayag nila ang mga hinaing ng mamamayan. (Tingnan ang artikulong Nobyembre 30, idineklarang Araw ng Paniningil ng Masang Anakpawis)
Kasama sa protesta ang magulang ng OFW na si Mary Jane Veloso na nakatakda nang iuwi sa Pilipinas mula sa pagkakakulong sa Indonesia. Kasama ang mga grupong migrante, panawagan ng mga nagprotesta na bigyan si Mary Jane ng “clemency” at agad siyang palayain pagdating sa bansa. Biktima si Mary Jane ng human trafficking, pero hinatulang maysala ng pagdadala ng iligal na droga at sinentensyahan ng bitay sa Indonesia.
Samantala, ipinagdiwang din ng grupong Anakbayan ang ika-26 anibersaryo ng pagkakatatag ng organisasyon.