Balita

Nobyembre 30, idineklarang Araw ng Paniningil ng Masang Anakpawis

,

Idineklara ng Kilusang Mayo Uno at iba pang organisasyon ng manggagawa ang paparating na Nobyembre 30 bilang Araw ng Paniningil ng Masang Anakpawis, kasabay ng paggunita ng Araw ni Bonifacio.

Sa press conference kahapon, Nobyembre 27, inianunsyo ng KMU, kasama ang All Workers Unity at Bagong Alyansang Makabayan, na kikilos ang mga manggagawa’t mamamayan sa araw na ito dala ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod, regular at disenteng trabaho, at murang pagkain at serbisyo. Kadikit ang mga panawagang ito sa pagpapanagot sa mga abusado at kawatang kinukulimbat ang pondo ng taumbayan.

“Kami po sa hanay ng mga manggagawa ay matagal nang gigil na gigil dahil wala talagang reaksyon itong gubyerno ni Marcos,” bungad ni Jerome Adonis, pinuno ng KMU at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Malaon nang panawagan ng mga manggagawa ang makabuluhang dagdag-sahod laluna sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin.

“Hindi barya-barya, hindi ₱35, hindi dalawang tranche na kakarampot ang kailangan ng mga manggagawa,” aniya. Ang pambabarat na ito ay nagaganap sa gitna ng taun-taong pagkamal ng milyung-milyong pisong tubo ng mga kapitalista at pagtaas diumano ng GDP ng Pilipinas. Panawagan nila ang pagkakaroon ng legislated wage increase na ₱1,200.

“Hindi kathang-isip ang halagang ito, batay ito sa aktwal na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino,” aniya. “Gawing pantay-pantay ang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa, sa pribado at pampublikong sektor.”

“Lalong tumitindi ang kahirapan ng mamamayan, at sa hanay ng mga manggagawa, at kahit sa mga empleyado ng gubyerno,” ayon kay Ferdinand Gaite ng Courage at Bayan Muna. Dinagdagan lamang ng ₱24/araw o ₱530/buwan ang sweldo ng pinakamaliit na kawani ngayong taon. Malayong hindi nito mapupunan ang kulang para umabot ang kanilang sweldo sa ₱33,000/buwan na kailangan para mabuhay ng disente ang kanilang mga pamilya.

Kabilang sa nagtitiis sa mababang sweldo ang mga manggagawa sa mga BPO na pinatatakbo ng mga multinasyunal na kumpanya. Ayon kay Renzo Bajala, tagapagsalita ng BPO Industry Employees Network o BIEN, totoong pababa nang pababa ang sweldo dito kasabay nang pabata nang pabata ang nagtratraho sa mga kumpanyang ito. Mula sa entry-level na sahod na ₱20,000-₱25,000 noong 2004, nasa ₱15,000 na lamang ito ngayon.

Isa si Bajala sa mga kabataang nagdrop-out sa eskwelahan para makatulong sa gastusin ng kanyang pamilya. Marami rin ang working student sa kanilang hanay, aniya.

Dahil sa mababang sahod, hindi na lamang sila nagtatrabaho sa BPO sa gabi, nagtatrabaho na rin sila bilang mga rider ng mga delivery at riding apps, virtual assistant, graphic designer at iba pang di regular na trabaho sa tinatawag na “gig economy.”

“Ito po ang patunay na sa administrasyong Marcos-Duterte ay wala pa ring maayos na trabaho at kung meron mang trabaho ay hindi nakabubuhay ang kinikita o pasahod,” aniya. Panawagan niyang ibasura ang mga regional wage boards. Aniya, pareho lamang ang ginagawa ng mga nasa call center sa buong bansa, pero mas mababa ang tinatanggap na sahod ng mga nasa prubinsya kumpara sa katulad nila sa NCR.

Liban sa mababang kita, nahaharap rin ang mga manggagawa sa lalong walang katiyakan sa trabaho.

“Kung dati ang meron ay kontraktwal na anim na buwan, ngayon tatlong buwan na lang,” ayon kay Julie Gutierrez, tagapagsalita ng Kilos Na Manggagawa, organisasyon ng mga kontraktwal. Tanong nilang mga kontraktwal kung bakit hindi napag-uusapan ang kanilang kalagayan, at sa halip ay pinagkakaabalahan ng mga nasa pwesto ay ang dramahan.

“Napakahirap talaga dito sa Pilipinas, na meron tayong presidente na bingi, at meron tayong bise presidente na napakaingay pero para sa sarili niya lang,” aniya.

Mala-alipin ang sahuran sa mga manggagawang bukid, ayon naman kay Ariel Casilao, pinuno ng Unyon ng Manggagawa ng Agrikultura. Laganap ang “sistemang pakyaw” sa malalawak na asyenda at plantasyon kung saan sumasahod lamang ng ₱250 sa loob ng tatlong araw ang mga manggagawang bukid, aniya.

“Nakakarinig tayo sa mga balita, bilyun-bilyon ang ginagastos ng upisina ng vice president…at ng presidente para mang-ayuda. Pero bakit di kayang tugunan ang family living wage ng mga mangaggawa? May pera naman pala,” aniya. “Pinagugulong ang mga manggagawa ang ekonomya.”

Kapag ang mga manggagawa naman ay naggiit ng nararapat at nag-oorganisa, panggigipit at pasismo ang sagot sila.

“Kapag kami ay nag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawang bukid sa mga plantasyon at asyenda, kami po ay hinaharas, ni-reredtag, kinakasuhan ng patong-patong na mga trumped up charges,” ani Casilao. Kabilang dito ang mga lider-magsasaka ng Hacienda LUisita at Isabela, na araw-araw pinupuntahan ng militar ang bahay para “kausapin” sila.

Nakiisa sa panawagan para sa ₱1,200 at Araw ng Paniningil ng Masang Anakpawi ang Migrante Pilipinas at Bayan.

AB: Nobyembre 30, idineklarang Araw ng Paniningil ng Masang Anakpawis