Balita

Ayuda para sa mga biktima ng lindol, iginigiit ng mga OFW

,

Nanawagan kahapon, Agosto 7, ang mga overseas Filipino workers (OCW) o migranteng manggagawang Pilipino sa Hong Kong na kagyat nang ibigay ang ayudang nakalaan para sa kanilang mga pamilya na naapektuhan ng lindol noong nakaraang Hulyo 27. Nagpiket sila sa upisina ng Philippine Overseas Labor Office at Philippine Consulate sa MTR exit D, Admiralty, Hong Kong.

Ang mga lumahok ay mga nagmula sa iba’t ibang lugar sa Northern Luzon. Kabilang sa kanila ang mga kasapi ng Abra Tinguian Ilocano Society (ATIS) at Cordillera Alliance (CORALL) sa Hong Kong at mga myembro ng United Filipinos (UNIFIL)-Migrante Hong Kong. Inirereklamo nila ang mabagal at napakatagal na proseso ng pagbibigay ng gubyerno ng tulong pampinansya sa kanilang pamilya.

Nakadagdag pa sa galit ng mga kasapi ng ATIS ang sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-Abra na hindi umano lahat ay makatatanggap ng ayuda. Liban pa dito, nauna nang inireklamo ng grupo ang napakaraming papeles na hinihingi mula sa kani-kanilang mga pamilya bago bigyan ng tulong.

“Ang tulong pangkagalingan ay dapat ibigay sa lahat! … Sa panahon ng mga sakuna, lagi na lang ba kaming nahuhuli o wala sa listahan ng mga matutulungan. Hindi na nga kami isinama sa ayuda noong Covid. Ngayon ba namang tinamaan kami ng lindol, pahirapan pa ang pamamahagi ng kakarampot na ₱3,000!” saad ni Ludy Guinaban, presidente ng ATIS.

Ipinangako ng Department of Migrant Workers ang ₱20 milyong ayuda para sa mga pamilya ng OFW na naapektuhan ng lindol. Pero simula nang buksan ito noong nakaraang linggo, marami ang hindi nakakuha dahil sa kakulangan ng mga papeles at kota sa bawat araw.

Napag-alaman din ng mga kasapi ng ATIS mula sa kanilang pamilya na gumagastos ng ₱10 hanggang ₱15 kada pahina ng dokumento ang kanilang pamilya para lang makuha ang ayuda. Hinihingan din sila ng iba’t ibang mga larawan.

“Mas malaki pa ata ang magagastos nila kaysa matatanggap,” patustada ng grupo.

“Sa mga ganitong sakuna, gubyerno dapat ang unang tinatakbuhan…pero bakit parang tinatakbuhan nyo kami? Ano pa bang patunay ang kailangan para matulungan kami samantalang pagdating sa mga mandatory na bayarin, isang post nyo lang, kailangan na namin magbayad,” pahayag ni Jean Yap-eo ng tagapangulo ng CORALL-Hong Kong.

Umaasa ang mga OFW na maibigay na kaagad ang ayuda para sa kani-kanilang pamilya.

Labing-isa na ang naitalang namatay habang 574 ang nasugatan sa lindol. Winasak nito ang 600 mga bahay at nasira ang 34,000 iba pa. Kalahating milyong Pilipino ang kabuuang naapektuhan ng sakuna. Mula nang tumama ang lindol sa Abra, aabot na sa 3,235 aftershock ang naitala. Mahigit 53,000 residente pa ang hindi makauwi sa kanilang mga bahay.

AB: Ayuda para sa mga biktima ng lindol, iginigiit ng mga OFW