Bagong himno at panunumpa ni Marcos Jr, inihalintulad sa itinulak ng kanyang amang diktador

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mariing binatikos ng mga alagad ng sining, gayundin ng mga guro, ang kautusan ni Ferdinand Marcos Jr na nag-oobliga sa lahat ng mga pambansang ahensya at eskwelahan na kantahin ang himno at sumpang “Bagong Pilipinas” tuwing seremonya ng pagtataas ng bandila. Ito ang laman ng inilabas ng Malacañang na Memorandum Circular No. 52 na isinapubliko kahapon, Hunyo 9, pero pinirmahan noong Hunyo 4.

Ayon sa grupo, ang pagtutulak para sa Bagong Pilipinas bilang ‘tatak ng pamamahala at pamumuno’ tulad ng nakikita sa himnong ito ay katulad lamang sa mga pagsisikap noon ni Ferdinand Marcos Sr na ipauso ang Bagong Lipunan para itago ang pandarambong ng kanyang pamilya sa gitna ng laganap na kahirapan. “Tulad ng kanyang ama, sinisikap ngayon ng anak na pagtakpan ang kawalan ng tunay na pagtataguyod ng interes ng mamamayang Pilipino gamit ang parehong mga pamamaraan,” ayon sa Concerned Artists of the Philippines.

Ayon sa grupo, ang mga liriko at himig ng himno ay “walang kabuluhan” at madaling kalimutan,” ang mga tinig ay “hindi maayos na pinaghalo.” Inalala ng mga alagad ng sining kung magkano ang pera ng mga nagbabayad ng buwis na ginastos sa kantang ito. Anila, ang pagpapataw ng kantang ito sa mga paaralan at mga tanggapan ng gubyerno sa buong bansa ay dagdag na insulto, na walang halaga o kahulugan sa umiiral na “Lupang Hinirang” at “Panatang Makabayan.” Isang malaking kalokohan (travesty) para pwersahin ang mamamayang Pilipino na pakinggan ito, at lalo ang kantahin ito kada linggo. Anito, ang pagdaragdag dito sa mga flag ceremony ay pagsasayang ng oras at pera ng sambayanan.

“Ginagaya na naman ba ni Pres. Marcos Jr ang kanyang amang diktador at ibinabalik ba niya ang batas militar?” tanong naman ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Partylist. Aniya, pinakamabuti para kay Marcos na bawiin ang kautusang nagtatangkang pabanguhin ang pangalan ng kanyang pamilya.

“Sa halip na ganitong mga gimik ang ginagawa, dapat sana ay mas inilalaan ng administrasyong Marcos ang oras nito para pag-isipan at aksyunan, paano solusyunan ang mga problema ng mamamayan gaya ng pagtaas ng sahod, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, pagtulong sa mga driver at operator na huwag mawalan ng hanapbuhay, at paglikha ng mga kalidad at regular na trabaho sa bansa,” aniya.

AB: Bagong himno at panunumpa ni Marcos Jr, inihalintulad sa itinulak ng kanyang amang diktador