Balita

Bagong hirang na kardinal ng Pilipinas, bumisita sa mga bilanggong pulitikal

, ,

Bumisita sa mga bilanggong pulitikal sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City at nagdiwang ng misa ang bagong hirang na kardinal ng Simbahang Katoliko na si Cardinal Pablo Virgilio David noong Disyembre 26. Kasama sa pagbisita ang mga pamilya at kaibigan mula sa Kapatid, grupong sumusuporta sa mga bilanggong pulitikal. Kabilang sa mga nakasalamuha ng kardinal ang mga detenidong konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

“Labis kaming nasisiyahan sa Kapatid na tinanggap ni Cardinal David ang aming paanyaya na muling bisitahin ang mga bilanggong pulitikal at iba pang mga bilanggo sa Metro Manila District Jail Annex 4 (MMDJ-4),” pahayag ni Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid. Huling bumisita si Cardinal David, noo’y opisbo pa lamang, sa MMDJ-4 noong Enero.

Ibinahagi ng ika-10 kardinal ng Pilipinas sa kanyang homilya ang totoong pakahulugan ng pagpapatuloy. Isinalaysay niya rin ang pangangailangang buwagin ang mga pader ng paghahati at paghihiwalay na siya ring nakatirik sa kamalayan ng tao.

Sinundan ang misa ng maiksing programa kung saan malugod na binati ni Vicente Ladlad, konsultant sa kapayapaan ng NDFP, ang kardinal. “Karapat-dapat kayong maging kardinal dahil pinalawak at pinatatag ninyo ang pananampalataya ng mamamayang inyong naaabot at ipinagsanggalang sila sa mga kapahamakan. Walang takot ninyong ipinagtatanggol ang mga biktima ng madugong gera kontra droga ng rehimeng Duterte, hanggang kayo mismo ay kinasuhan sa korte at binantaang papatayin,” pahayag ni Ladlad.

Dagdag pa niya, nang maging kardinal si Cardinal David ay hindi na siya gaanong umasa na mabibisita pa niyang muli ang bilangguan dahil sa mabibigat na gawaing kaakibat ng bagong tungkulin sa Simbahang Katoliko. “Subalit optimistiko ang Kapatid nang sumulat ang tagapagsalita nito, ang aking kabiyak na si Fides Lim, sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at inimbitahan kayong muling magmisa sa mga bilanggong pulitikal. Masaya ako na mali ang aking akala. Mabilis at walang atubiling tinanggap ninyo ang imbitasyon ng Kapatid,” aniya.

Nagbigay rin ng kanyang pahayag si Adelberto Silva, isa ring konsultant ng NDFP, sa programa. Ibinahagi niya ang kalagayan ng mga bilanggo sa Pilipinas at ang isyu ng mga bilanggong pulitikal. Isinalaysay niya ang siksikang kalagayan, kakulangan ng masustansyang pagkain, mababang kalidad ng serbisyong medikal, at ang paghihigpit sa mga dalaw ng mga bilanggo sa mga piitan.

“Sana, sa iba’t ibang paraan, sa tulong ninyo Cardinal David, ay mapalawak na maibahagi natin ang marami at malalang suliranin ng bilanggong Pilipino, upang makaipon ng lakas sa pagtulak ng mga pagbabago at mga reporma sa sistema ng piitan at sistema ng hustisya, at maging sa patuloy na adhikain namin para sa makatarungang kapayapaan sa ating bansa,” ayon pa kay Silva.

Ipinahayag ni Cardinal David ang kanyang suporta sa panawagang palayain ang mga bilanggong pulitikal bilang mahalagang hakbang sa paghahanda sa Pilgrimage of Hope ng Jubilee Year. Ipinahayag rin niya ang kagustuhang mapayapang matugunan ang “pinakamatagal na insurhensya sa mundo” at umaasang mabubuksang muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Sa pagtatapos ng programa at pagbisita, nagregalo ang mga pamilya ng mga bilanggong pulitikal kay Cardinal David ng isang pintura ni Kristo na nagbibigay-ginhawa sa isang bilanggo. Ipininta ito ng isang bilanggong pulitikal mula sa New Bilibid Prison.

Nagpahayag ng pag-aasa ang mga bilanggong pulitikal na sa tulong ng kardinal at ng mamamayan ay makalalaya ang lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa. Sa huling tala, mayroong 757 bilanggong pulitikal sa Pilipinas.

Si Cardinal David, o Ambo sa marami, ay hinirang na kardinal noong Disyembre 8, 2024. Kabilang siya sa 21 bagong kardinal na itinalaga ni Pope Francis sa isang seremonya na ginanap sa St. Peter’s Basilica sa Vatican. Kasalukuyan siyang presidente ng CBCP at kilalang kritiko ng ekstra-hudisyal na pagpaslang sa ilalim ng gera kontra droga ni Rodrigo Duterte.

AB: Bagong hirang na kardinal ng Pilipinas, bumisita sa mga bilanggong pulitikal