Balita

Bagong kasunduang militar ng Pilipinas at Canada, yuyurak sa soberanya—Bayan

Tinuligsa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pinirmahang Philippines-Canada Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) ng gubyerno ng Pilipinas at Canada noong Nobyembre 2. Pahihintulutan nito ang paglalabas-masok ng tropang Canadian sa teritoryo ng Pilipinas para lumahok sa mga war games at iba pang tipo ng aktibidad na ayon sa Bayan ay yuyurak sa pambansang soberanya ng bansa.

Ang SOVFA ng Canada at Pilipinas ay ang ika-lima nang kasunduan para sa “bumibisitang” dayuhang tropa. Tatlo rito ay pinirmahan sa ilalim ng rehimeng Marcos, kabilang ang sa New Zealand at Japan, at ngayon sa Canada. Lahat ng mga kasunduang ito ay nakasunod sa saklaw at mga probisyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at imperyalistang US.

Pormal na sinimulan ang negosasyon para sa SOFVA sa pagitan ng mga kinatawan ng Canada at Pilipinas noong Enero 16. Sinarhan ang negosasyon at nagkasundo ang dalawang panig noong Marso, at inianunsyo ng Departmant of National Defense ng Pilipinas na isinasapinal na lamang ito.

Noong Nobyembre 2, pinirmahan ito nina DND Secretary Gilberto Teodoro Jr at Canadian Defense Minister David McGuinty. Sinasabing pagpapatipay rin ito ng dalawang armadong pwersa at gubyerno sa naunang pinirmahang Defense Cooperation Memorandum of Understanding noong Enero 2024.

Kinakailangang ratipikahan ng Senado ng Pilipinas ang naturang kasunduan para maging ganap na epektibo. Tulad sa nakaraan, inaasahang dadaan lamang ito sa Senado at madaling aaprubahan nang walang anumang pagatutol kahit sa mga nagpapakilalang oposisyon.

Bago pa man ang pagpirma sa SOVFA, dalawang beses nang lumahok sa mga war games sa Pilipinas ang Canada. Sa tabing ng pagiging “tagamasid,” lumahok ang Canada sa Balikatan 2024 at Balikatan 2025 na maituturing na makasaysayan sa laki at ginagamit ng US para patindihin ang tensyon at banta ng gera sa katunggaling imperyalistang China.

Liban sa Balikatan, lumahok rin ang armadong pwersa ng Canada sa tatlong Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) ng Pilipinas, sa utos ng US, sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Inilulusot ang panghihimasok na ito sa tabing ng “malayang paglalayag” ng dayuhang mga pwersa sa karagatan.

Ayon sa Bayan, ang Pilipinas ay higit na magiging isang “imbakan ng armada at larangan ng digma para sa dayuhang mga kapangyarihan” sa pagkakapirma sa bagong kasunduan. “[Kaugnay ng iba pang mga kasunduan,] sistematiko nitong ginagawang bahagi ang Pilipinas sa makinarya para sa gera ng US,” ayon sa grupo.

Dagdag ng grupo, hindi pinagsisilbihan ng mga kasunduang ito ang pambansang interes sa halip ay hinihila tayo sa alimpuyo ng heyopuliitkal na tunggalian. “Sa pagpapahintulot na gawin ang Pilipinas na isang lunsaran ng gera, kinakaladkad ng administrasyong Marcos Jr ang ating bayan sa isang gera na hindi natin nilikha, at ginagawang isang larangan ng digmaan ang ating lupain at ipinambabala sa kanyon ang ating mamamayan sa ngalan ng imperyalistang ambisyon,” anang grupo.

Hinimok ng Bayan ang mga Pilipino na maglunsad ng mga protesta laban sa bagong kasunduan ng Canada at Pilipinas at itulak ang pagbabasura rito. Nanawagan rin ito na ibasura ang lahat ng mga VFA, palayasin ang lahat ng dayuhang militar sa bansa, at wakasan ang patakaran ng pagsusuko ng ating pambansang soberanya at ng kapayapaan sa mga nang-uudyok ng gera.

Liban sa mga umiiral nang kasunduan, inianunsyo ng mga upisyal ng Pilipinas na nakatakda itong pumasok sa katulad pang mga kasunduan sa gubyerno at armadong pwersa ng France, Singapore, United Kingdom, Germany, at India.

AB: Bagong kasunduang militar ng Pilipinas at Canada, yuyurak sa soberanya—Bayan