Balita

Bahay ng magsasaka sa Negros Occidental, sinunog ng 15th IB

,

Isang bahay ng magsasaka sa Sityo Mantobaw, Purok 3, Barangay Linaon, Cauayan, Negros Occidental ang sinunog ng mga sundalo ng 15th IB noong Nobyembre 28. Hinihinalang tinarget ng mga sundalo ang bahay ng 54 taong gulang na si Carmelita Ulgasan dahil sa matagal nang paratang na tagasuporta ang pamilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Kinundena ng grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement-South Negros ang panununog ng mga sundalo. Sa impormasyong nakalap ng grupo mula sa pamilya, bandang alas-7:20 ng umaga ay natagpuan nina Ulgasan at kanyang pamangkin na sunog na ang bahay. Nakita rin umano sa palibot ng nasunog na bahay ang mga bakas ng combat boots.

Bago nito, nakasalubong na ng magtiyahin noong alas-6 ng umaga habang pauwi sa bahay ang mga kalalakihang hinihinala nilang mga sundalo. Kinausap at tinanong pa ng mga ito ang magtiyahin bago naglakad papalayo.

Pagdating ng magtiyahin sa bahay, nagulat na lamang silang makita na bukas ang geyt ng bahay at mayroong bakas ng mga combat boots sa palibot. Dahil sa takot, kaagad na umalis sa bahay ang magtiyahin at nagpunta sa sentro ng barangay.

Matapos ang ilang oras ay nagdesisyon silang bumalik sa bahay dahil kinailangan nilang asikasuhin ang alagang kalabaw. Dito na nila nakita ang nasunog na bahay.

Ayon sa September 21 Movement-South Negros, bago pa ang karahasang ito sa pamilya Ulgasan ay paulit-ulit nang tinatakot ng mga sundalo ang pamilya at pinipilit na “sumurender” sa gubyerno. Noong Setyembre 13 lamang, kinwestyon ng mga sundalo si Carmelita at kanyang pamangkin tungkol sa mga aktibidad ng BHB. Inaakusahan ng mga ito ang pamangkin ni Ulgasan na kuryer ng hukbong bayan.

Dalawang araw makalipas, nagkampo sa bahay ni Ulgasan ang mga sundalo. Matapos umalis ang mga sundalo, sapilitan namang pinasok ito ng mga ahente ng militar na mga “surenderi.” Isa sa mga ito ang nakasuot ng bonet at may dala-dalang armas at inakusahan ang mga Ulgasan na myembro ng BHB.

Noong Setyembre 16, bumalik ang grupo ng mga “surenderi” at pinalayas ang pamilya sa bahay sa loob ng dalawang araw. Pinagbanataan pa ang pamilya laban sa pagsusumbong sa kapitan ng barangay at mga kaanak. Sa takot, iniulat ng pamilya ang nangyari sa kapitan ng barangay na ikinakagalit ng mga sundalo. Muling nagbanta ang militar na mayroon silang papatayin.

Samantala, tinangka namang pasukin ng mga sundalo ng 15th IB ang bahay ni Margie Campos sa Sityo Lunoy, Barangay Yao-yao sa Cauayan noong Disyembre 1 ng gabi. Nasa loob ng bahay si Campos at kanyang dalawang menor-de-edad na anak nang tinangka itong pasukin ng militar. Nagdulot ng takot sa pamilya, laluna sa mga bata, ang insidente.

Sa harap ng mga kasong ito ng paglabag ng 15th IB sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, nanawagan ang September 21 Movement-South Negros na palayasin ang tropang militar sa komunidad ng mga magsasaka. Hinamon ng grupo ang lokal na gubyerno ng Cauayan na tugunan ang dinaranas na panunupil at pang-aabuso ng kanilang nasasakupan.

AB: Bahay ng magsasaka sa Negros Occidental, sinunog ng 15th IB