Balita

Bantang demolisyon sa mga floating house sa Cavite, tinutulan

Nagprotesta ang mga mangingisdang kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa baybay ng Bacoor City noong Huyo 24 para tutulan ang bantang demolisyon sa kanilang mga “floating house” o mga bahay na nakatayo sa dagat. Sa Bacoor City, tinatayang higit 100 pamilya ang mapalalayas sa demolisyong iniatas ng lokal na gubyerno sa pamumuno ni Mayor Strike Revilla.

Ayon sa Pamalakaya, ang bantang demolisyon ay kaugnay ng planong 420-ektaryang reklamasyon na proyekto ng Frabelle Fishing Corporation at ng lokal na gubyerno ng Bacoor City. Ang Frabelle ay kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Francisco Tiu Laurel Jr, nakaupong kalihim ng Department of Agriculture.

“Determinado ang aming mga myembro at residente sa baybay na ipagtanggol ang komunidad, at dapat hindi isagawa ang demolisyon, laluna at ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay ay dapat suspendido ang pagpapatupad,” pahayag ni Aries Soledad, tagapagsalita ng Pamalakaya-Cavite.

Ang mga residenteng naninirahan sa mga floating house ay mga residenteng napalayas mula sa sunud-sunod na sunog, na hinala din nilang sinadya para palayasin sila, sa Bacoor City simula noong nakaraang taon. Dagdag ni Soledad, marami sa mga residente ang inilipat sa malalayong relokasyon matapos ang sunog kung saan wala silang mapagkukunan ng kabuhayan.

Pagbabahagi pa niya, walang naging konsultasyon hinggil sa ipatutupad na demolisyon ng lokal na gubyerno sa mga floating hut. “Kung itutuloy ang demolisyon, may pananagutan ang lokal na gubyerno ng Bacoor sa ilalim ng mga Revilla at si Agriculture Secretary Tiu-Laurel Jr,” ayon kay Soledad.

Hinimok ng Pamalakaya ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na itaguyod ang lumitaw na resulta ng pag-aaral na isingawa nito hingigl sa pagpapatupad ng reklamasyon sa Manila Bay. Isinaad sa pag-aaral na masama sa marine ecosystem, kalikasan at kabuhayan ng mamamayan ang mga proyektong reklamasyon.

AB: Bantang demolisyon sa mga floating house sa Cavite, tinutulan