Barikada kontra-demolisyon, itinayo ng mga residente sa Angeles City

,

Nagtayo ng barikada ang mga residente ng Sityo Balubad, Barangay Anunas, Angeles City sa Pampanga para labanan ang planong demolisyon ng Clarkhills Properties Corporation sa kanilang mga bahay. Apektado ng demolisyon ang nahigit 500 kabahayan sa 72-ektaryang lupang kinakamkam ng naturang kumpanya. Tinatayang 2,000 residente ang maapektuhan ng pang-aagaw ng lupa. Liban dito, pinangangambahan ding maapektuhan ng pangangamkam at demolisyon ang katabing mga barangay ng Cuayan at Sapangbato.

Tinangkang buwagin ng kumpanya ang barikada ng komunidad noong umaga ng Oktubre 16. Katuwang nito ang lokal na pulis sa pangunguna ni Sheriff III Elizabeth Marasigan at ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB). Sinunog ang mga gulong at ibang kagamitan na nakaharang sa daan. Hinarang ng mga residente ang trak na hihila sana sa nakatayong barikada bago ito natupok ng apoy.

“Kami ay naniniwala na ang laban namin ay laban ng buong Anunas at lahat ng mamamayan ng buong Pampanga at buong rehiyon,” ayon sa pahayag ng mga residente na nakapaskil sa Balubad Anunas Angeles Facebook page.

Nagaganap ang panggigipit at tangkang demolisyon sa kabila ng apela ng lokal na pamahalaan ng Angeles sa pamumuno ni Mayor Carmelo Lazatin Jr noong Oktubre 13 na ipagpaliban muna ang demolisyon at pagpapalayas habang hindi pa naiaayos at naisasagawa ang karampatang relokasyon.

Giit ng mga pamilya sa sityo, pag-aari nila ang lupa at mayroon silang mga certificate of land ownership award (CLOA) at resibo ng buong kabayaran nito sa Landbank of the Philippines.

Ipinabatid rin ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang kanilang suporta sa mga residente. Sa kanilang pahayag, ang demolisyon sa Barangay Anunas ay bahagi ng mga agresibong proyektong “pangkaunlaran” sa buong prubinsya ng Pampanga at maging sa Central Luzon na para lamang sa ganansya ng iilan. Bahagi ito ng grandyosong planong Greater Capital Region na inilalako ng mga negosyante at mayayaman, paliwanag ng grupo.

AB: Barikada kontra-demolisyon, itinayo ng mga residente sa Angeles City