Balita

Barikadang bayan kontra mina, itinayo sa Palawan

,

Nagtayo ng barikadang bayan ang mga residente ng Brooke’s Point, Palawan noong Pebrero 18 para ipatigil ang iligal at mapangwasak na mga operasyong mina ng Ipilan Nickel Corporation (INC) sa lugar. Ayon sa mga grupong maka-kalikasan, nag-oopereyt ang minahan kahit walang permiso mula sa lokal na gubyerno.

Itinayo nila ang barikada matapos tumangging sumunod ang kumpanya sa atas ng lokal na gubyerno na itigil ang operasyon. Ayon kay Brooke’s Point Vice Mayor Jean Feliciano, Pebrero 6 pa inilabas ng atas si Mayor Cesareo Benedito Jr sa INC na itigil ang kanilang mga operasyon dahil wala itong permiso para mag-opereyt ngayong taon.

“Ang mamamayan mismo ang nag-oorganisa ng pagkilos para ipaglaban ang kanilang kagalingan,” pahayag ni Feliciano. Dagdag pa niya, nagpapasalamat sila sa mga residente ng Brooke’s Point na handang magsakripisyo para protektahan ang kanilang likas na yaman, kabuhayan at kinabukasan.

Noong Disyembre 2022 hanggang Enero, lumubog sa baha ang Brooke’s Point dulot ng walang awat na pag-ulan mula simula ng taon dulot ng “shear line” o ng magkaibang direksyon ng hangin, kakumbina ang mga pag-ulan at low-pressure area.

Ayon sa mga residente, ngayon lamang sila nakaranas ng ganoong katinding pagbaha. Bigla na lamang tumaas ang antas ng tubig sa ilog ng Tigaplan, anila. Ayon sa mga upisyal, noon pang 1975 huling nakaranas ng ganitong pagbaha sa lugar. Lubos na isinisi ng residenteng si Mary Jean Feliciano ang matitinding pagbaha sa mapangwasak na pagmimina sa lugar.

Ang INC ay subsidyaryo ng Global Ferronickel Holdings, ikalawa ito sa pinakamalaking kumpanya na nagpprodyus ng nikel sa bansa. Hindi bababa sa 2,800 ektarya ang minahan nito sa Palawan na tatawid sa apat na barangay ng Brooke’s Point. Noong 2020, tumaas nang 43% o P735 milyon ang kita nito sa kabila ng pandemya. Samantala noong 2017, sangkot ang INC sa pamumutol ng 15,000 mga puno sa mahigit 100 ektaryang natural forest sa Brooke’s Point.

Sa prubinsya ng Palawan, 28,000 ektarya o 1.89% ng 1.5 milyong ektarya ng kabuuang kalupaan ng prubinsya ang nasasaklaw ng mga operasyon ng mapaminsalang minahan noong 2021.

AB: Barikadang bayan kontra mina, itinayo sa Palawan