Barikadang bayan laban sa mina sa Sibuyan, marahas na binuwag
Marahas na binuwag ng mga pulis na nagsisilbing gwardya ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) noong Pebrero 3 ang barikadang bayan ng mga residente ng isla ng Sibuyan, Romblon laban sa pagmimina. Ito ay matapos hinarang ng mga residente, sa pangunguna ng Sibuyanons Against Mining, ang tatlong trak na may kargang nickel ore palabas ng isla.
Dalawa ang nasugatan sa karahasan ng pulis. Nagsimula ang barikadang bayan noon pang Enero 26.
Kinundena ng iba’t ibang grupo ang pandarahas ng mga pulis sa barikadang bayan. “Dapat itigil ang karahasang ito!” ani Cleng Julve, Campaigns Officer ng AGHAM. Nanawagan din ang grupo na paimbestigahan ang mga sangkot na tauhan ng PNP sa marahas na dispersal.
Hindi ito ang unang beses na marahas na inatake ang mga residente sa paglaban nila sa pagmimina. Noong Oktuber 3, 2007, binaril at napatay si Armin Marin habang nasa nagpipiket kontra mina sa Sityo Olango sa Barangay España. Si Marin ay konsehal ng San Fernando.
Giit ng mga residente, iligal ang operasyon ng APMC dahil wala itong maipakitang mga dokumento na nagpapahintulot sa pagmimina nito sa isla. Ang APMC ay pag-aari ng pamilyang Gatchalian at bahagi ng Sibuyan Nickel Properties Development Corporation.
Buhay, tubig, kagubatan, kabundukan at kabuhayan ang mawawala sa mga residente kung magtutuluy-tuloy ang mapangwasak na pagmimina at pagdambong sa kalikasan. Mayaman sa mineral na nickel ang isla ng Sibuyan. Ang nickel ay isang uri ng metal na pangunahing sangkap sa mga produktong elektroniko at bakal.
Noong Pebrero 20, 1996, idineklarang protected natural park ang Mt. Guiting-guiting sa isla ng Sibuyan na sumasaklaw sa higit 15,200 ektarya. Ang mineral production sharing agreement ng APMC ay sumasaklaw sa 1,581 ektarya kung saan ang malaking bahagi ay nasa loob ng protektadong lugar.
Kamakailan, nanawagan ang mga residente sa mga bayan ng San Fernando, Cajidiocan, at Magdiwang kay Marcos Jr na ideklara ang Sibuyan bilang “mining-free.”