Bayan sa Laguna, isinasailalim sa militarisasyon sa tabing ng eleksyong pambarangay
Naiulat kamakailan ang pagtatambak ng mga sundalo mula sa 1st IB at mga tangke de gera sa bayan ng Santa Maria sa Laguna, isang bayan na nasa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre. Ipinakat ang naturang mga tropa sa lugar sa tabing ng pagpapanatili ng seguridad sa bayan kaugnay ng nalalapit na halalang pambarangay sa Oktubre.
Pinalalabas ng 1st IB na kailangan ang kanilang presensya sa bayan para protektahan ang mga residente laban sa “CPP-NPA.” Taliwas ito sa deklarasyong “insurgency-free” na ang bayan noon pang Hulyo.
“Pinasisinungalingan ng mga aktong ito ang matagal nang ipinangangalandakan ng AFP at NTF-Elcac na ang Laguna ay wala nang presensya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB),” ayon kay Ka Magdalena Kalayaan, tagapagsalita ng BHB-Laguna.
Ayon pa kay Ka Magdalena, sa halip na seguridad at kapanatagan, malawakang intimidasyon at takot sa mga sibilyan ang hatid ng militarisasyon sa lugar. “Tiyak na kasama sa operasyong militar na gaganapin ay ang harasment, pagbabanta at surveillance sa mga kandidato ng Barangay-SK Elections na pinararatangan nitong may ugnayan sa CPP-NPA,” paliwanag pa niya.
Karapatan ng mga residente ng Santa Maria na kundenahin ang labis-labis na presensya ng militar at mga tangke nito sa kanilang bayan, dagdag pa niya.
Sa balangkas ng Geneva Conventions at International Humanitarian Law, lubhang ipinagbabawal ang okupasyon sa mga sentro ng barangay at pampublikong gusali tulad ng eskwelahan at paglabag sa karapatang-tao ng mga sibilyan sa eryang nasasaklaw ng armadong tunggalian. Kabilang sa mga paglabag na ipinagbabawal ay harasment, pagbabanta, pamamaslang, surbeylans at iba pa.
Samantala, noong Setyembre 28 ay pumirma ng isang kasunduan ang Commission on Elections (Comelec) sa Department of National Defense at the Armed Forces of the Philippines para umano palakasin ang kooperasyon sa pagpapanatiling ligtas sa halalang pambarangay.
Ginamit nitong pagdadahilan ang pag-iral umano ng mga pribadong hukbo at mga grupong naghahasik ng teror tulad ng Abu Sayyaf Group at ang Jemaah Islamiyah.
Nakasaad sa naturang kasunduan na tutulong ang mga pwersa ng estado sa komite ng Comelec na “kontra bigay” para umano labanan ang “pagbili ng boto at paglaban sa mga impluwensya sa demokratikong proseso.”