Balita

Bilanggong pulitikal na organisador ng NFSW sa Negros Occidental, nakalaya

,

Inianunsyo ng Kapatid-Negros ang paglaya noong Pebrero 27 ng beteranong organisador ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) mula sa limang taon na pagkakakulong Negros Occidental District Jail (NODJ). Si Gaspar Davao, 60, residente ng Barangay Pinapugasan, Escalante City, ay ikinulong noong 2020 sa paratang na illegal possession of explosives.

Si Davao ay pauwi mula sa isang pulong na ipinatawag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Bacolod City nang inaresto ng mga sundalo sa isang tsekpoynt noong gabi ng Hunyo 9, 2020 sa Barangay Caduhaan, Cadiz City. Ayon sa naunang mga ulat, pinara sa tsekpoynt ang sinasakyang van ni Davao at hinanap ang kanilang mga ID. Pinauwi ng mga militar at pulis ang ibang sakay habang dinakip si Davao dahil sa paratang na hindi pagsusuot ng face mask sa gitna ng pandemya.

Habang nakakulong, nalaman na lamang ni Davao na “natagpuan” sa kanyang bag ng mga pulis ang isang granada, pera, walong selpon, at “subersibong mga dokumento.” Dahil dito, sinampahan siya ng kasong illegal possession of explosives na tinawag ng mga grupo sa karapatang-tao na gawa-gawa.

Ipinawalang-sala si Davao sa kasong ito ng Cadiz City Regional Trial Court noong Pebrero 26. Samantala, noong Marso 2024 lamang ibinasura ng korte ang kaso ng hindi pagsusuot ng face mask laban sa kanya.

“Ito ang ikalawang hindi makatarungang pagkakakulong ni Davao,” ayon sa Kapatid-Negros. Una siyang inaresto at ikinulong ng estado noong Nobyembre 1991 nang higit dalawang taon. Kinasuhan siya noon ng illegal possession of firearms.

Naninindigan ang Kapatid na ang limang taong pagkukulong kay Davao ay panggigipit ng estado sa mga tulad niyang aktibista at organisador sa hanay ng mga mahihirap. Sa mga taon bago siya ikinulong, nagsilbing organisador sa distrito sa North Negros si Davao at gumampan ng tungkulin sa programang Land Cultivation Areas (LCA). Sa deka-dekadang mga pakikibakang ito ay naipagwagi ng mga magbubukid ang hindi bababa sa 3,000 ektarya ng lupang sakahan.

Sa paglaya ni Davao, nananatiling mayroong 111 bilanggong pulitikal sa buong rehiyon ng Negros Island ayon sa Kapatid. Ang malaking bilang na ito ng mga bilanggong pulitikal ay pangunahin dahil sa pagpapatupad ng dating rehimeng US-Duterte sa Memorandum Order 32 na nagpakawala sa terorismo ng estado at nagsagawa ng “crackdown” sa mga aktibista at progresibo.

AB: Bilanggong pulitikal na organisador ng NFSW sa Negros Occidental, nakalaya