'Black Lantern Parade,' inilunsad ng mga guro tungong Mendiola
Naglunsad ng parada ang mga guro sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines at ACT Teachers Party-list patungong Mendiola sa Maynila noong Nobyembre 22 para batikusin ang rehimeng Marcos sa mababang badyet sa edukasyon. Nagmula sa iba’t ibang mga paaralan sa Metro Manila ang mga gurong lumahok sa tinawag nilang Black Lantern Parade o parada ng itim na mga parol.
Ayon sa mga guro, liban sa napakaliit nang badyet na inilaan ng administrasyon para sa edukasyon, tahasan pa nitong binabalewala ang panawagan para sa makabuluhang dagdag badyet. Sa bersyon ng senado para sa badyet sa 2025, naglaan lamang ito ng ₱793.74 bilyon.
“Ang [badyet] na ito ay malinaw na patunay ng nagpapatuloy na kriminal na pagwawalambahala sa edukasyon. Hindi nito matutugunan ang kronikong kakulangan sa pangangailangan ng batayang edukasyon,” ayon kay Antonio Tinio, presidente ng ACT Teachers.
Dagdag pa ng dating mambabatas at ngayo’y unang nominado ng partido sa eleksyong 2025, ang nakalaan na ₱36.81 bilyon para sa Basic Education Facilities ay makapopondo lamang sa 15,000 mga dagdag na klasrum o wala pang 1% ng kabuuang 150,000 dagdag klasrum na kailangan sa buong bansa.
“Ang lubhang kulang na badyet na ito ay kontra sa layunin ng Department of Education na lumikha ng mas maayos na kaayusan ng pagkatuto at mabilis na paghahatid ng leksyon,” ayon pa kay Tinio. Dagdag pa niya, kailangan ang dagdag na pondo para tugunan ang matingkad na mga kakulangang ito, solusyunan ang krisis sa pagkatuto at itaguyod ang isang makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon.
“Kakambal ng lubhang mababang badyet sa edukasyon ay ang barya, barat, at mumong dagdag-sweldo sa mga guro at kawaning publiko sa ilalim ng SSL VI o EO 64,” pahayag ni Vladimer Quetua, tagapangulo ng ACT. Aniya, ₱50 kada araw lamang na umento ang iginawad sa guro sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin.
“Walang maliwanag at maligayang Paskong aasahan ang mga guro at kawani kung magpapatuloy ang ganitong hikahos na kalagayan habang malaking bahagi ng pondo ng bayan ay inilalaan sa korupsyon, gyera, at panunupil ng karapatan,” ayon pa sa lider-guro.
Nanawagan ang ACT Philippines at ACT Teachers Party-list na itaas ang sweldo ng mga guro at kawani ng gubyerno. Gayundin, idiniin nila na dapat itaas ang badyet sa sektor ng edukasyon tungong 6% ng gross domestic product at ilipat ang lahat ng pondong pork barrel, confidential and intelligence funds sa batayang serbisyong panlipunan.