Balita

Brutalidad at karahasan ng pulis laban sa nagpuprotestang kabataan sa Maynila, malawakang binatikos

, ,

Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga organisasyon sa ilalim nito ang brutal at marahas na dispersal at pag-aresto ng mga pulis sa mga kabataang nagpuprotesta sa Ayala Bridge at Mendiola sa Maynila noong Setyembre 21. Naiulat na hindi bababa sa 216 indibidwal, kabilang ang 89 menor de edad (9 taong gulang ang pinakabata), ang dinampot ng mga pulis.

Nagsimula ang pag-aresto nang nagkaroon ng gitgitan at marahas na komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at mga kabataang nagpupuyos ang galit laban sa korapsyon at kabulukan ng gubyerno. Unang sumiklab ang komprontasyon sa Ayala Bridge habang nagmamartsa ang Bayan patungo sa Mendiola.

Muling nagkaroon ng salpukan sa pagitan ng mga pulis at grupo ng mga kabataan sa Mendiola nang papatapos na ang programa ng Bayan. Nakuhanan sa mga bidyo ang brutal na pagsagupa ng mga pulis sa mga kabataan, paghahampas sa kanila ng batuta, pagsipa at pabalagbag na pagbitbit.

“Namalas ngayong araw ang galit ng mamamayan sa mga korap na upisyal at pulis na pumuprotekta sa mga mayayaman at makapangyarihan sa marahas na komprontasyon sa pagitan ng pulis at karamiha’y mga kabataan sa Ayala Brigde at Mendiola,” pahayag ng Bayan. Ayon pa sa grupo, sinubukan nilang pakalmahin ang sitwasyon para maiwasan na mayroong masaktan ngunit sadyang lubha ang galit ng mga kabataan sa nangyayari sa bansa.

Iniulat ng Bayan na mayroong 12 mga myembro ng mga organisasyon nito ang kabilang sa mga dinampot ng pulis. Ilan sa kanila ay mga aktibista at lider-estudyante ng University of the Philippnes na si Mattheo “Wovi” Villanueva, isang taga-Polytechnic University of the Philippines at isang taga-Philippine Normal University. Kabilang rin sa mga inaresto ang kabataang Marikenyo na si Alexis “Chocoy” Lasic, isang person with disability at biktima ng baha.

Nasugatan rin ang puu-puong mga aktibista mula sa karahasan, kabilang na ang presidente ng Bayan na si Renato Reyes Jr. Ayon kay Reyes, natamaan siya ng bato sa mukha mula sa mga nagpuprotestang kabataan. Duguan ang mukha ni Reyes at kaagad na isinugod sa ospital.

“Kinukundena ko ba ang galit na taumbayan na namato? Hindi. Maaaring hindi ako sang-ayon sa kanilang mga taktika, pero nauunawaan ko ang kanilang galit. Hindi ko kukundenahin ang mga mahihirap na naghahayag ng kanilang galit laban sa sistema…kasalanan ng sistema kung bakit malalim ang galit ng tao,” ayon kay Reyes.

Para sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), ang nagpupuyos na galit at tinig ng kabataang nagprotesta ay sigaw ng mga biktima ng gutom, kahirapan, pagbaha, demolisyon, at extra-judicial killings sa gera sa droga. “Galit ito na patuloy na sasambulat sa kabila ng teargas, posas, at marahas na dispersal, hangga’t di nababago ang sistema ng lipunan,” anang grupo.

Ayon sa Karapatan, ang karahasan at brutalidad ng pulis sa ilalim ng rehimeng Marcos na nakita sa Mendiola ay maihahalintulad sa labis-labis na pwersang ginamit rin ng diktadurang Marcos Sr para buwagin ang mga protesta noong batas militar. “Ang karapatan nila para sa abugado, na makipag-usap sa pamilya at mga organisasyon sa karapatang-tao, at kagyat na atensyogn medikal, liban sa iba pa, ay dapat igalang sa lahat ng pagkakataon,” pahayag ng grupo.

Ang mga inaresto ay pinagkaitan ng mga pulis ng kanilang mga karapatan matapos arestuhin. Hindi sila kaagad pinakausap sa kanilang mga pamilya at abugado. Hindi pinansin ng mga pulis ang mga kaanak na naghintay sa labas ng Manila Police District Headquarters sa Ermita, Maynila noong gabi ng Setyembre 21.

Noong Setyembre 22, nagprotesta ang mga progresibong grupo ng mga kabataan at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa harap ng Manila Police District Headquarters sa Ermita, Maynila para igiit ang pagpapalaya sa mga inaresto. Anila, dapat papanagutin ang mga pulis sa karahasan at brutalidad laban sa mamamayan.

Nagtungo rin bilangguan si Atty. Maria Sol Taule, mula sa Karapatan, at mga kinatawan ng mga partido sa ilalim ng Makabayan Bloc na sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago at Kabataan Rep. Atty. Renee Co para makausap ang mga pamilya ng mga inaresto at ang mga nakakulong.

Kasunod ng marahas na salpukan at protesta, sinabi ng Karapatan na dapat bantayan ng mamamayan ang magiging tugon ng Malacañang. “Hindi dapat gamitin ng Malacañang ang mga protestang ito para bigyang katwiran ang panunupil sa kahingian ng mamamayan para sa transparency, pananagutan at pagwawakas sa sistema ng korapsyon,” anang grupo.

AB: Brutalidad at karahasan ng pulis laban sa nagpuprotestang kabataan sa Maynila, malawakang binatikos