Balita

Bulok na pamamalakad ng PrimeWater sa Bacolod City, muling binatikos

,

Nagpiket noong Agosto 26 ng umaga ang mga myembro ng Bacolod City Water District (Baciwa) Employees Union, Amlig Tubig at iba pang grupo sa upisina ng Baciwa sa Bacolod City. Muli nilang binatikos ang patuloy na operasyong ng Baciwa-Primewater sa bisa ng joint venture agreement at ang pagpapataw ng 12% value added tax sa mga konsyumer para sa tubig.

Liban dito, muli ring ipinanawagan ng unyon ang pagbabalik sa 59 empleyadong sinisante ng Baciwa noong Disyembre 2020 matapos ang pribatisasyon at pagpirma sa JVA. Napailalim sa Primewater na pag-aari ng pamilyang Villar ang Baciwa noong Nobyembre 16, 2020.

Ang protesta ay inilunsad ng mga grupo isang linggo matapos sipain ng Baciwa Board of Directors si Baciwa General Mona Dia Jardin sa bisa ng isang resolusyon noong Agosto 22. Si Jardin ang pinuno ng Baciwa nang kwestyunableng pumasok ito sa sosyohan sa Primewater. Hindi kinilala ni Jardin ang resolusyon at nanatili sa pwesto.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Negros, ang pagpapatalsik kay Jardin ay isang maliit ngunit mahalagang tagumpay laban sa monopolyo ng mga Villar sa serbisyo sa tubig. “Ngunit sa halip na kilalanin ang pagkatalo, desperadong kumakapit sa pusisyon si Jardin na matagal na niyang isinuko sa interes ng korporasyon,” ayon sa grupo.

Si Jardin ang pasimuno sa tanggalang sa mga regular na empleyado ng Baciwa at nagsantabi sa kabi-kabilang reklamo ng mga konsyumer. Anang grupo, hindi nagsilbi si Jardin bilang General Manager ng Baciwa kundi bilang matapat na tuta ng Primewater.

“Ang pagtataksil ni Jardin ay bahagi ng isang pambansang padron kung saan ang mga pampublikong yutilidad ay isinusuko sa pribadong kapital sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan ng mga upisyal ng estado sa mga monopolyong korporasyon,” ayon sa Bayan-Negros. Dagdag ng grupo, ito ang tinataguring burukratang kapitalismo—umaaktong tagapamagitan ang mga general manager at pulitiko para sa interes ng korporasyon at pribado.

Hinamon ng Bayan-Negros ang bagong talaga na general manager ng Baciwa na tugunan ang panawagan ng mga konsyumer at empleyado. Anang grupo, dapat itulak ang agarang pagkalas sa JVA sa Primewater, pagbabalik sa 59 na tinanggal na mga empleyado at panagutin ang Primewater sa bulok na serbisyo at pamamalakad sa nagdaang mga taon.

AB: Bulok na pamamalakad ng PrimeWater sa Bacolod City, muling binatikos