DA at NFA, siningil ng mga magbubukid at mangingisda sa ayuda at suporta sa harap ng El Niño
Nagpiket ang mga grupo ng magbubukid at mangingisda sa upisina ng National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture (DA) sa Quezon City kahapon, April 3. Binatikos nila ang dalawang ahensya ng rehimeng Marcos sa kapabayaan at kainutilan nito na ayudahan ang mga magbubukid at mangingisda na labis na apektado ng mga salanta ng El Niño.
Sa pinakahuling tala ng ahensya, 34,264 ektarya nang palayan ang nasira ng tagtuyot. Nasa kabuuang ₱2.76 bilyon ang halaga ng pinsala dulot nito. Lubhang apektado na ang 10 sa 16 na rehiyon sa bansa ng penomenong pangklima.
Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Amihan Peasant Women, at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya), nanawagan ang mga magsasaka sa DA-NFA na ipamahagi sa kagyat ang naluluma nang mga imbak ng bigas sa mga warehouse ng NFA sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng tagtuyot.
“Ilabas na ang natitirang stock ng NFA rice sa mga warehouse at ipamahagi na bilang relief sa mga nagugutom na magsasaka at mangingisdang biktima ng tagtuyot,” pahayag ni Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas. Makatutulong umano ang bigas para man lamang may makain ang nalulugi nang mga magbubukid.
Liban dito, binatikos ng KMP ang kaiunutilan ng gubyerno na magbigay ng kumpensasyon at tulong sa mga magsasaka. “Kailan pa magbibigay ng tulong ang gubyerno, kapag tapos na ang El Niño? Kung papasok ang La Niña at magkakaroon naman ng mga pagbaha, buong taon nang walang kikitain at tiyak na gutom ang mga magsasaka,” pahayag ni Ka Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.
Anang grupo, lantad na lantad ang pagkainutil ng gubyernong Marcos Jr at Task Force El Niño sa epekto ng El Niño na noong 2023 pa nagsimula. “Wala na ngang ayuda sa mga biktimang magsasaka at mangingisngisda, mga katawa-tawang mungkahi gaya ng hindi pagsuot ng underwear sa bahay, hindi pag-flush ng mga toilet at kung anu-ano pa,” pahayag nila.
Anang mga grupo, magpapatuloy sila sa pagpapanawagan ng suporta at ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda sa harap ng salanta ng El Niño. “Hinihikayat namin ang mga lokal na magsasaka at asosasyon ng mga mangingisda na kolektibong igiit ang ayuda sa mga ahensyang pang-agrikultura sa munisipyo, lokal na gubyerno at lokal na mga upisina ng DA at NFA.”