Balita

Daan-daang manggagawa sa tubuhan, nagrali sa Passi City laban sa pagbagsak ng presyo ng asukal

,

Sama-samang nagprotesta ang daan-daang manggagawang-bukid sa tubuhan, maliliit na taga-giling, at myembro ng iba’t ibang samahan ng magtutubo sa Passi City, Iloilo noong Enero 22. Tinuligsa nila ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng asukal na, anila, ay bunga ng pagsirit ng importasyon nito sa bansa at kainutilan ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

Sa pangunguna ng Jalasig Sugar Planters Association (JSPA), nanawagan sila ng interbensyon ng gubyerno para tugunan ang pagbaba ng presyo ng asukal. Anila, dapat bigyang pansin ng gubyerno ang industriya ng asukal at agad na magpatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga magsasaka at manggagawang-bukid.

Bumagsak nang 25% o ₱700 ang presyo ng asukal kada sako kung ikukumpara sa ₱2,900-₱2,800 kada sakong presyo noong nakaraang taon. Ayon sa JSPA, malaki ang lugi ng mga magsasaka lalo patuloy na lumulobo ang gastos sa produksyon. Dagdag pa dito, dumaranas din sila ng pananalasa ng mga peste, at pagkapuno ng mga imbakan na sanhi ng matumal na bentahan.

Bago ang pagkilos, ilang ulit nang nagsagawa ng dayalogo ang JSPA sa mga lokal na upisyal at mga mambabatas. Naghahanda rin ang grupo ng isang manifesto na layuning kumalap ng libu-libong pirma sa buong bansa.

Nagpahayag ng suporta sa pagkilos ng grupo ang Paghugpong sang mga Mangunguma sa Panay kag Guimaras (Pamanggas), panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). “Makikita sa kasalukuyang administrasyon ang pagsawalang-bahala sa lokal na produksyon at kapakanan ng mga apektadong magsasaka dahil sa pangungurakot at hindi demokratikong pamamahala nito,” pahayag ng Pamanggas.

Anang grupo, simula noong 1986 nang naitayo ang SRA ay tuwirang nanatili at lumala ang mahinang kontrol at regulasyon ng gubyerno sa industriya ng asukal. Dagdag nito, dahil sa ganitong mga hakbang ng gubyerno ay nanganganib na tuluyang mamatay ang lokal na industriya ng bansa.

Sa araw ding iyon, nagprotesta ang mga magtutubo at manggagawang-bukid sa tubuhan sa harap ng upisina ng SRA sa Bacolod City. Pinangunahan ng National Federation of Sugar Workers (NFSW)-Negros ang pagkilos.

Ayon sa grupo, nabigo ang Department of Agriculture (DA) at SRA na ipaliwanag kung ano ang dahilan ng pagbaba ng presyo ng asukal. “Ang papel ng SRA ay tila palamuti na lamang at walang silbi kundi ang pagtakpan at pagsunod sa utos ng mga malalaking burgesyang kumprador at mga higanteng internasyonal at lokal na sugar traders,” ayon sa NFSW-Negros.

Lubhang dismayado ang grupo dahil nakasalalay ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayang Negrosanon, lalo na ang mga direktang nabubuhay sa industriya ng asukal sa isla. Nasa 380,000 ang mga manggagawang-bukid sa tubuhan, humigit-kumulang 18,000 na manggagawa sa sentral, at 80% na maliliit na plantador na mga ARB (Agrarian Reform Beneficiaries).

Dagdag ng grupo, ang miserableng kalagayan ngayon ang magbubunsod ng iba’t ibang anyo ng pakikibaka upang depensahan ang kanilang buhay at kabuhayan. “Ito ang huhubog sa mga pinagsasamantalahan na harapin ang hirap at sakripisyo upang makamit ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon,” anito.

AB: Daan-daang manggagawa sa tubuhan, nagrali sa Passi City laban sa pagbagsak ng presyo ng asukal