Dagdag-badyet, guro at pasilidad, panawagan ng mga guro para lutasin ang functional illiteracy
Balita kamakailan ang laganap na functional illiteracy o kawalan ng kapasidad na umunawa ng binabasa ng mga gradweyt ng hayskul. Ayon sa datos ng estado, umaabot sa 20% ang functionally iliterate sa mga nagtapos sa senior high school noong 2024.
Ang nakababahalang estadistikang ito, ayon sa Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region (ACT-NCR), ay salamin ng lumalalang krisis sa sistema ng edukasyon sa bansa.
“Hindi na kami nagulat sa resulta ng pag-aaral na ito. Ramdam namin ang krisis sa edukasyon araw-araw dahil sa kakulangan sa pondo, hindi sapat na suporta sa mga guro at estudyante, at hindi magandang kundisyon ng mga paaralan,” ayon kay Ruby Bernardo, presidente ng ACT-NCR Union. “Ang tunay na tanong ay: kailan ba magigising ang ating mga lider sa gubyerno para sila umaksyon? Ilang pag-aaral pa ba ang kailangan bago nila maunawaan na hindi epektibo ang mga panandaliang solusyon?”
Batay sa Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority, halos 19 milyong Pilipinong nagtapos sa junior at senior high school ang nahihirapang maintindihan ang binabasa kahit ilang taon na silang nag-aral. Tinatayang 79% lamang ng mga nagtapos sa senior high school ang “functionally literate,” o may kakayahang magbasa, magsulat, magbilang, at umunawa ng impormasyon. Apektado ng functional illiteracy ang kakayahan ng mga indibidwal sa araw-araw nilang gawain tulad ng pag-unawa sa mga instruksyon o pagsagot ng mga dokumento.
Ayon kay Bernardo, ang kasalukuyang badyet sa edukasyon na ₱965.26 bilyon para sa 2025 ay 3.6% lamang ng GDP ng bansa, malayo sa inirerekomendang 6% ng UNESCO. “Ang dekada-dekada nang kakulangan sa badyet ay nagdulot ng matinding kakulangan tulad ng 250,000 silid-aralan at 150,000 guro,” aniya. “Imposibleng makamit ang 1:35 na tamang ratio ng guro-sa-estudyante sa ganitong kalaking pagkukulang.”
Mahalagang masunod ang tamang ratio para maibalik ang kalidad ng edukasyon. “Ang kasalukuyang kalagayan ay hindi angkop para sa epektibong pagkatuto,” aniya.
Dagdag ni Bernado, hindi lamang “ideyal” na madagdagan ang badyet, kundi “krusyal” ito. Binatikos niya ang “pagbuhos ng pondo sa walang katapusang konstruksyon ng malalaking imprastruktura na wala namang inihahatid natunay na pag-unlad,” korapsyon at kikbak ng mga nasa poder, at labis-labis na gastusin sa militar na umuubos sa rekurso ng bayan.
Higit pa sa usapin ng pondo, nanawagan ang unyon para sa malawakang reporma sa sistema ng edukasyon. Ipinanukala nito ang pagtakwil sa “kolonyal at komersyal na oryentasyon” ng edukasyon” na layuning magluwak ng mura at bahagyang may kasanayang pwersa ng paggawa para sa dayuhang kapital. Itinulak nito ang isang nasyunalista, siyentipiko, at makamasang sistema ng edukasyon na magtuturo ng batayang literasiya gamit ang pambansa at lokal na mga wika upang makabuo ng matibay na pundasyon ng bansa.
“Dapat mas palakasin ang pag-aaral ng kasaysayan at kultura ng Pilipinas sa kurikulum upang mapalago ang pambansang pagkakakilanlan at pagmamahal sa bayan,” dagdag ni Bernardo.
Binigyang-diin din ng unyon ang kahalagahan ng akademikong kalayaan at proteksyon sa mga karapatan ng mga estudyante at manggagawa sa edukasyon. Hinimok nito ang mga botanteng Pilipino na bigyang-priyoridad ang edukasyon sa nalalapit na halalan sa 2025.