Dagdag bayarin ng Embahada ng Pilipinas sa Thailand, panggagantso sa mga migranteng Pilipino
Kinundena ng Himigrante-Thailand, grupo ng mga musikero sa Thailand, ang patuloy na paniningil ng Philippine Embassy-Bangkok (PE-BKK) ng “expedite fee” sa mga serbisyong ibinibigay nito.
Una nang naglunsad ng petition at signature campaign ang Himigrante, Association of Concerned Filipinos in Thailand, Kaagapay ng Migranteng Pilipino sa Thailand, Phuket Pinay Migrants Association at Migrante Thailand noong Pebrero laban sa kalakaran ng embahada.
Ayon sa grupo, dati ay kayang magproseso at magrelease ng mga dokumento ng embahada sa loob lamang ng isang araw. Ngunit ngayon, ay tumatagal na ng hanggang dalawang araw ang pagproseso kung hindi babayaran ang “expedite fee.” Wala rin nagbago o nadagdag sa kanilang serbisyo.
“Ano itong holdap na sapilitan tayong pagbabayarin ng PE-BKK?” pahayag ng Himigrante.
Anito, ang ฿360 (₱637.2) na ‘expedite fee’ na idadagdag sa dati nang ฿925 (₱1,637.25) na bayarin para sa dokumento ay mabigat para sa mga migrante Pilpino, laluna sa mga galing sa prubinsya ng Thailand na kailangang gumastos para sa pansamantalang tirahan sa Bangkok para hintayin ang pagrelease ng mga pinapagawang dokumento.
“Ito ay malinaw na panggagantso at panloloko. Biglaan itong ipinatupad ng walang konsultasyon at malinaw na paliwanag kung bakit kailangan dagdagan ng ‘expedite fee’ ang serbisyong dati na nilang ibinibigay,” paliwanag ng grupo.
“Ang Himigrante ay patuloy na makikiisa sa mga Pilipino sa Thailand upang tutulan at ipatigil ang pabigat na dagdag na bayaring ito! Hindi natin hahayaang magpatuloy ang panggagantsong ito ng PE-BKK!” ayon sa grupo.
___
Sa palitang ฿1=₱1.77