Dagdag-sahod, lalong kailangan sa gitna ng implasyon

Lalong tumaas ang antas ng nakabubuhay na sahod matapos ianunsyo ng mga upisyal ng estado ang dagdag na pagsirit ng implasyon tungong 8% noong Nobyembre, pinakamataas sa nakaraang 14 taon. Sa kalkulasyon ng Ibon Foundation, nasa ₱1,140 na ang kailangan ng isang lima-kataong pamilya para mabuhay nang disente, mula sa ₱1,130 noong nakaraang mga buwan. Kasabay nito, dagdag na hinila pababa ng implasyon ang tunay na halaga ng arawang sahod sa Metro Manila na ₱570 tungong ₱490 na lamang (₱494 noong nakaraang buwan). Sa kabilang banda, Hulyo pa ang huling baryang taas-sahod (₱20-₱35) na ipinag-utos ng ilang regional wage board.

Ayon sa Ibon, kung mababa ang tunay na halaga ng sahod sa Metro Manila, mas mababa pa sa ibang rehiyon. Batay sa inilabas na mga tantos ng implasyon kada rehiyon, pinakamalaki ang agwat sa pagitan ng minimum na sahod kontra sa nakabubuhay na sahod sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (₱341 arawan kontra ₱1,904 na nakabubuhay). Kasunod ang sa Region IX (₱351 kontra ₱1,109) at Region X (₱390 sa ₱1,143). Malayo rin ang agwat sa Davao region (Region XII) na ₱368 kontra ₱1,108. Ang Davao City ang nagtala ng pinakamataas na implasyon sa buong bansa sa tantos na 9.8%.

Paglala ng kawalang trabaho

Lalong malaking pasakit ang mataas na tantos ng implasyon sa mga pamilyang nawalan ng trabaho sa nakaraang mga buwan. Tinukoy ng Ibon na pabagsak ang padron ng empleyo sa nakaraang apat na buwan (Hulyo-Oktubre), taliwas sa “normal na padron” ng paglawak nito habang papalapit ang Kapaskuhan.

Sa datos ng estado, mas maliit ang bilang ng mga may trabaho noong Oktubre nang 285,000 kumpara sa bilang noong Hulyo. Sa bagong labas na estadistika, inilagay ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang bilang ng mga may trabaho sa 47.1 milyon noong Oktubre, habang nasa 47.4 milyon ito noong Hulyo. Paliwanag ng Ibon, hindi nasalamin ng datos sa disempleyo ang pagliit ng mga may trabaho dahil maraming manggagawa ang tinanggal sa pwersa na lakas-paggawa (labor force). Kasama dito ang mga hindi nakahanap ng trabaho at nagpasyang huwag muna maghanap ng trabaho sa nakaraang anim na buwan.

Dagdag dito, aminado ang mga upisyal sa ekonomya ng estado na ang mga nalikhang trabaho sa panahong ito ay nasa “impormal” kaysa “pormal” na sektor ng ekonomya. Katunayan, mas malaki ang bilang ng mga “impormal na manggagawa” na inilagay sa 19.8 milyon noong Oktubre, 17.8% mas malaki kumpara sa 16.8 milyon bago magpandemya (Enero 2020).

Alinsunod sa obserbasyon ng Ibon, pinakamarami ang nawala na trabaho sa sektor ng pagmamanupaktura (785,000), agrikultura at forestry (368,000) at wholesale at retail trade (333,000). Tinataya ng grupo na ang pagbaba ng empleyo sa sektor ng pagmamanupaktura ay dulot ng malawakang tanggalan sa subsektor ng damit (garments). Ang kawalan sa agrikultura ay dulot ng sunud-sunod na mga bagyo.

Ang kawalan ng trabaho, pamamayagpag ng mababang-klaseng trabaho kakumbina ng sumisirit na implasyon at nakapakong sahod at sweldo ay tiyak na magdudulot ng masidhing kahirapan sa panahon ng Pasko at pagpasok ng bagong taon.

AB: Dagdag-sahod, lalong kailangan sa gitna ng implasyon