Presyo ng mga pangunahing bilihin, lalupang tataas ngayong Pebrero

,

Tumaas nang hanggang 10% ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng delata, nudels, gatas at tinapay kumpara sa mga presyo ng mga ito noong Agosto 2022. Alinsunod ito sa suggested retail price bulletin o pabatid tungkol sa presyo na inilabas ng Department of Trade and Industry noong Pebrero 8. May mga aytem na tumaas nang higit 10%, karamihan mga di-pagkain.

Pinahintulutan ng DTI ang mga pagtaas sa kabila ng pagsirit ng tantos ng implasyon tungong 8.7% noong Enero. Wala umano silang magagawa, ayon sa isang upisyal ng ahensya. Nakatatanggap umano ang ahensya ng mga banta mula sa mga nagmamanupaktura na isasara nila ang kani-kanilang mga produksyon kung hindi sila papayagang magtaas ng presyo.

Alinsunod sa pabatid ng DTI, tataas ang presyo ng isang pakete ng sliced bread (tasty) nang ₱2; ang isang supot ng pandesal na may sampung piraso nang ₱1.50 at ang isang latang sardinas nang hanggang ₱4.

Ang presyo ng isang klase ng nudels ay tataas nang ₱0.50 at ang 300-gramong gatas nang ₱2.25. Tataas din ang kapeng 3-in-1 nang hanggang ₱0.50 at ang patis nang hanggang ₱2 kada bote.

Posible pang tumaas ang naturang mga presyo dahil sa paghahabol ng mga nagmamanupaktura. Isa rito ang Canned Sardines Association of the Philippines na nagsabing kulang ang ₱0.50 dagdag-presyo at kailangang itaas ito nang hanggang ₱3/lata. Humingi naman ang Philippine Baking Industry na gumagawa ng Pinoy Tasty ng ₱4 dagdag kada pakete ng slice bread at ₱3 kada supot ng pandesal. Dahilan nila ang tuluy-tuloy na pagtaas ang presyo ng asukal at panggatong (LPG).

Ang mga pagtaas na ito sa mga produktong pagkain ay lalupang magpapahirap sa mamamayang hirap na hirap na sa kanilang kabuhayan.

AB: Presyo ng mga pangunahing bilihin, lalupang tataas ngayong Pebrero