Daan-daang libong manggagawa sa UK, naglunsad ng mga welga
Ikinasa ng mga unyong manggagawa sa iba’t ibang sektor ng United Kingdom ang kani-kanilang mga welga para sa disenteng sahod at makataong mga kundisyon sa paggawa nitong Disyembre. Tinatayang aabot sa 500,000 hanggang isang milyong manggagawa ang magwewelga hanggang sa katapusan ng taon. Bahagi ang mga ito sa pagsiklab ng mga pakikibaka ng mga manggagawa sa bansa mula pa Hunyo. Ayon sa The Guardian, nasa 1.1 milyong workdays na ang nawala sa pagitan ng Hunyo at Oktubre dulot ng mga pagkilos ng mga manggagawa.
Noong Disyembre 13, ikinasa ng 40,000-lakas na National Union of Rail, Maritime and Transport Workers (RMT) ang kanilang welga laban sa barat na pasahod. Ibinasura ng mga manggagawa sa riles ang alok ng mga kumpanya na 5% na dagdag-sahod para sa 2022 at 4% para sa 2023. Tinawag nilang “substandard” ang alok, laluna sa harap ng nagtataasang gastos sa pamumuhay sa bansa.
Pinagagana ng RMT ang 14 na kumpanya na nagpapatakbo ng mga tren. Inilunsad nila ang unang bwelo ng welga noong Disyembre 13 at 14, at ang pangalawang bwelo sa Disyembre 16 at 17. Itutuloy nila ang mga pagkilos hanggang sa 2023.
Noong Disyembre 15, inilunsad ng 100,000 nars sa England, Wales and Northern Ireland ang tinaguriang kauna-unahang pambansang welga ng mga nars sa United Kingdom. Hiling ng Royal College of Nurses ang 19% na umento at pagdagdag ng mga nars sa mga ospital para matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente. Bahagi sila ng pampublikong sistemang pangkalusugan ng Britain (National Health Services) na ilang taon nang nagdurusa sa mababang pasahod, sobra-sobrang pagtatrabaho at di sapat na subsidyo mula sa estado. Isa pang araw na welga ang nakatakda sa Disyembre 20.
Kaagapay ng mga nars ang 10,000 drayber ng ambulansya, paramedik at iba pang manggagawang pang-emerdyensi, na nakatakdang magwelga sa Disyembre 21 at 28. Nilalabanan nila ang pagtanggi ng NHS na ibigay ang 4% dagdag-sahod na inaprubahan na ng kanilang gubyerno.
Bago pa ang Disyembre, nagsasagawa na ang mga manggagawa ng Royal Mail (koreyo) at University and College Union (mga guro at ibang istap akademiko) na kumakatawan ng 150 unibersidad ng mga aksyong pang-industriya. Noong Disyembre 5, nagwelga ang 1,000 gwardya ng mga bangko at institusyon.
Sa Scotland, nagkasa ng 2-araw na welga ang Scottish Secondary Teachers Association at iba pang unyon ng mga guro. Sa London, handang magwelga ang 2,000 drayber ng bus dahil sa patuloy na pagtanggi ng kanilang mga kumpanya para sa mas katanggap-tanggap na dagdag-sahod.
Sa nakaraang dekada, wala, at kung meron man, nakapaminimal nang itinaas ng sahod ng mga manggagawa sa UK. Ito ay habang tuluy-tuloy ang pagtaas ng kanilang bayarin sa pabahay (mortgages) at mga presyo ng bilihin. Noong Abril, bumagsak na nang 3% ang tunay na halaga ng kanilang mga sahod dahil sa 10.1% implasyon. Lalu pa itong bumagsak pagsapit ng Oktubre kung saan itinala ang 11.1% tantos ng implasyon. Nangangamba ang mga ekonomista ng bansa na sisirit pa ito tungong 18% sa susunod an taon.