Abot-langit nang presyo ng pagkain at iba pa, lalong nagtaasan noong Pasko

,

Umabot sa ₱720 ang isang kilo ng sibuyas sa isang palengke sa Metro Manila noong nakaraang kapaskuhan. Sinimbolo nito ang abot-langit na pagtaas ng presyo ng pinakabatayang mga bilihin, at ang kainutilan ng estado na kontrolin ang pagsirit ng mga ito.

Para sa buong Disyembre, tinataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas na sumirit sa tantos na 8.6% ang implasyon, mas mabilis kumpara sa 8% noong Nobyembre 2022. Siyam na buwan nang tuluy-tuloy na sumisirit ang implasyon nang mahigit 4%, malayo sa buwanang target ng BSP na 2%-4%.

Pataas pa rin ang presyo ng mga pagkain (karne at isda), gayundin ang singil sa kuryente at panggatong (langis). Noong Disyembre, itinaas ng Manila Electric Co. (Meralco) ang singil nito nang ₱0.3297 kada kilowatt hour (kwh) mula ₱9.9472kwh tungong ₱10.2769kwh. Para sa mga kumukonsumo ng wala pang 200kwh kada buwan, katumbas ito ng ₱66 dagdag sa singil sa kanila noong Disyembre.

Gayundin, tumaas nang hanggang ₱2.26 kada kilo ng LPG noong Disyembre. Bahagyang bumaba ang presyo ng gasolina at diesel, pero hindi nito nahila pababa ang netong pagtaas sa presyo para sa taon. Ayon sa datos ng Department of Energy para sa buong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng ₱13.25 kada litro, ang diesel ng ₱24.60 kada litro, at ang kerosene ng ₱19.15 kada litro.

SRP para sa sibuyas: Pantapal na solusyon

Para apulain ang pagtaas ng presyo ng sibuyas, pakitang-taong iniutos ni Ferdinand Marcos Jr ang pagtatakda ng SRP (suggested retail price o mungkahing presyo sa tingi) para rito na ₱250 kada kilo. Ang ibig sabihin lamang nito ay isasama ng Department of Agriculture ang sibuyas sa mga produktong isasailalim sa “pagmonitor” ng ahensya. Wala bisa ang gayong “pagmumungkahi” sa presyuhan sa pagbili sa mga magsasaka, gayundin sa distribusyon ng mga komersyante. Mas madalas, ang tinatamaan pa nito ay ang maliliit na manininda.

Lalong marami ang bumatikos sa abiso ng isang undersecretary ng DA na “huwag bumili ng isang kilo” habang nananatiling mahal ang sibuyas.

Ayon sa mga kongresista ng Makabayan, isang pantapal na solusyon ang pagtatakda ng SRP. Sa halip, dapat suportahan at bigyan ng gubyerno ng subsidyo ang mga lokal na magsasaka para itaas ang kanilang ani at ibaba ang gastos sa produksyon.

Dapat ring ipatigil ang ismagling ng mga produktong agrikultural. Isa ang sibuyas sa pinakamaraming ipinupuslit sa bansa sa nakaraang mga buwan at ibinebenta sa mas mabababang presyo sa mga pamilihan. Dahil dito, lalong nalugi ang mga lokal na magsisibuyas.

Ayon sa inipong ulat ng Anakpawis, noong Enero-Setyembre 2022, umabot sa ₱539 milyon ang halaga ng iligal na ipinuslit na mga produktong agrikultural sa bansa. Karamihan sa mga ito ay mula sa China.

AB: Abot-langit nang presyo ng pagkain at iba pa, lalong nagtaasan noong Pasko