Dagdag-singil sa serbisyo sa mga konsulado ng Pilipinas sa Eurozone, binatikos

,

Dismayado ang grupong Migrante Europe sa anunsyo ng gubyerno ng Pilipinas na itataas nito ang singil sa mga serbisyong ibinibigay ng mga embahada at konsulado nito sa mga migranteng Pilipino sa mga bansa sa Europe o Eurozone. Magsisimulang ipatupad ang taas-singil sa darating na Nobyembre.

Ayon sa anunsyo, itataas ang singil sa mga serbisyo dahil sa paghina ng halaga ng piso kontra dolyar. Lalaki ang singilin nang 5 euro hanggang 30 euro.

Tinawag ito ng Migrante Europe bilang “pinaka-iresponsableng patakaran sa paniningil ng gubyerno ng Pilipinas.” Anila, parang tuluyang pinapatay ang mga migranteng manggagawa.

Dagdag pa ngayon sa kanilang binabalikat, anang grupo, bukod pa sa mataas nang mga buwis, ang mas mataas na singil sa mga serbisyo tulad ng produksyon ng pasaporte, paglalabas ng mga dokumento sa pagbyahe, pagnonotaryo, sertipikasyon, authentication, pagpapakasal, petition correction, pagkuha sa mga visa panturista at pang-seaman, singil para sa pagpapabilis ng serbisyo at iba pa.

Ayon pa sa grupo, pinatutunayan umano ng pagdadahilang “humihina ang piso” kung gaanong kabangkarote ang ekonomya ng Pilipinas.

Pinuna ng grupo ang pagiging palaasa ng estado sa paniningil at pagpasa sa balikat ng migranteng mangggawa na nagdurusa malayo sa kanilang mga pamilya. Binatikos din ng grupo ang kabiguan ng gubyerno na lumikha ng lokal na mga trabaho para pasikarin ang ekonomya.

Kinastigo rin nito ang gubyerno sa pagtataguyod ng “walang katapusang patakaran sa pag-eksport ng lakas-paggawa” na idinisenyo ng estado bilang pantapal na hakbangin para pagkunan ng dayuhang salapi.

AB: Dagdag-singil sa serbisyo sa mga konsulado ng Pilipinas sa Eurozone, binatikos