Dating pangkalahatang kalihim ng Pamalakaya, paulit-ulit na ginigipit

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ngayong araw, Hunyo 11, ng grupong Pamalakaya ang panggigipit ng mga ahente ng estado kay Ka Romy Antazo, retiradong mangingisda at dating pangkalahatang kalihim ng grupo. Si Antazo, 80 taong gulang, ang nanguna noon sa kampanya ng mamamalakaya para sa konserbasyon ng Laguna de Bay laban sa mga mapaminsalang mga proyekto ng estado.

“Paulit-ulit na ‘nilalapitan’ ng mga ahente…at inaalok ng kabuhayan…kapalit ng kanyang ‘kooperasyon,’ salaysay ng grupo. Ipinagpalagay nito na ang ‘kooperasyon’ na hinahanap ng estado ay ang “pagsurender” ni Antazo at pagpresenta sa kanya bilang “rebel returnee” kahit isa siyang sibilyan, at wala siyang kinalaman sa armadong kilusan. Oras na pumayag siya sa pakana, gagamitin siya ng estado para i-Red-tag ang mga progresibong mga organisasyon. Dahil dito, paulit-ulit na tinatanggihan ni Ka Romy ang mga alok na ito.

Kabilang sa naisadokumento ng Pamalakaya na insidente ng panggigipit ang naganap na paglapit ng isang “Dexter” na kunwa’y dating “rebelde” noong 2022 at sunud-sunod na mga tawag sa telepono noong 2023. Sa mga ito, paulit-ulit ding tinanggihan ni Ka Romy ang mga alok sa kanya na kabuhayan at iginiit na hindi siya “susuko” dahil lehitimo ang kanyang ipinaglalabang kagalingan at mga karapatan ng mga maliliit na mamamalakaya. Hindi siya tinigilan ng mga ahente ng estado at noong Abril, muli siyang “binisita” sa kanilang tinitirhan sa Brgy. Ticulio, Cardona, Rizal.

Noong Mayo, kinuha siya ng apat na lalaking nagpakilalang pulis sa kanyang bahay at dinala sa munisipyo para muling “alukin” ng kabuhayan. Sa pang-apat na pagkakataon, tinanggihan ito ni Antazo. Pinakawalan rin siya pero matapos lamang kunan siya ng litrato kaharap ang isang mesa na may nakapatong na riple, kasama ang mga pulis. Pangamba ni Antazo na gagamitin ang mga litratong ito para sa palabasin siyang isang “rebel returnee” dahila katulad na katulad ang eksena sa maraming kaso ng pwersahang pagkakasuko sa mga sibilyan.

“Lubos kaming nababahala sa mga insidenteng ito, dahil maaari pang tumindi…ang mga atake kay Antazo dahil sa matatag niyang tindig laban sa pamimilit ng mga awtoridad,” ayon sa Pamalakaya. Batid ng grupo na bahagi ito ng kontra-insurhensyang kampanya ng rehimeng Marcos, na lantarang paglabag sa mga karapatan sa malayang pagpapahayag at asosasyon.

AB: Dating pangkalahatang kalihim ng Pamalakaya, paulit-ulit na ginigipit