Balita

Dating tagapagsalita ni Duterte, nahaharap sa mga kasong human trafficking at land grabbing

,

Tuluyan nang sinampahan noong Abril 28 ang dating tagapagsalita ni Rodrigo Duterte na si Harry Roque ng mga kaso ng human trafficking kaugnay sa papel niya sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). Bago nito, naharap na siya sa kaso ng pang-aagaw ng lupa na isinampa ng mga magsasaka sa Bataan sa Ombudsman.

Kasalukuyang nasa The Netherlands si Roque para humiling ng “asylum” matapos tumalilis sa bansa sa huling bahagi ng 2024 para takasan ang contempt charges na isinampa sa kanya ng Kongreso dahil sa pagsuway sa patawag sa mga pagdinig ng Quad Committee.

Isinampa ang kasong human trafficking laban kay Roque, kasama ang 40 pa, sa Angeles City Regional Court. Nagmula ito sa kanyang pagkakasangkot sa iligal na mga aktibidad na sangko sa mga operasyon ng Lucky South 99 Corp, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), sa Porac, Pampanga.

Sinasabing sangkot ang opereytor na ito sa kidnapping, iligal na detensyon, cybercrime fraud at pagsasamantala sa mga manggagawa. Marami sa mga manggagawang inempleyo ng Lucky South ay pwersahang pinagtrabaho bilang mga customer service representatives sa hindi makataong mga kundisyon sa paggawa. Nagsilbing abugado si Roque sa mga kumpanyang tumulong para makakuha ng lisensya ang Lucky South 99.

Bago pa nito, naharap na si Roque at ang kanyang asawang si Myla ng kasong pang-aagaw ng lupa sa Bataan. Ayon sa 77 magsasakang nagsampa ng kaso, pwersahan silang pinalayas sa 421-ektaryang lupa ng First Bataan Mariveles Holding Corp. (FBMHC), isang kumpanyang pagmamay-ari ng asawa ni Roque na si Myla. Napag-alaman ng mga magsasaka na plano noong itayo sa kanilang lupa ang isang “township” na may kinalaman sa POGO. Isinampa ang kaso noong Enero 2023 pero wala pa itong tugon hanggang ngayon.

Sa harap ng mga kasong ito, lalong pinalakas ng mga Pilipino sa The Netherlands ang kampanya para itulak ang gubyerno dito na tanggihan ang hinihinging asylum ni Roque. Ayon kay Joel Vega, ang Pilipinong nagsampa ng petisyon para harangin ang aplikasyon sa asylum ng dating tagapagsalita, tinatakasan lamang ni Roque ang kanyang mga pananagutan kaya nagpapakanlong ito sa bansa.

AB: Dating tagapagsalita ni Duterte, nahaharap sa mga kasong human trafficking at land grabbing